HABAGAT POSIBLENG PALAKASIN NG BAGYONG QUEENIE

BINABANTAYAN ngayon ng mga awtoridad ang posibleng epekto ng Tropical Storm “Queenie,” na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at maaaring magpalakas sa mga pag-ulang nararanasan dahil sa habagat at mga thunderstorm.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pumasok sa PAR ang bagyo bandang alas-7 ng umaga nitong Huwebes.

Ang bagyo, na may international name na “Surigae,” ay binigyan ng lokal na pangalang “Queenie” at ika-17 tropical cyclone na pumasok sa PAR ngayong taon.

Batay sa unang datos ng PAGASA, taglay ng Queenie ang maximum sustained winds na 75 kilometro bawat oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 90 kph.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,500 kilometro silangan ng Northern Luzon. Kumikilos ito sa direksyong west-northwest sa bilis na 30 kph habang patuloy na minomonitor ng PAGASA ang posibleng pagbabago sa direksyon nito.

Bagama’t malayo pa sa kalupaan, nagsimula nang magdulot ng mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ang trough o extension ng Tropical Storm Queenie.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga posibleng maapektuhang lugar laban sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makakaranas ng malakas na pag-ulan habang patuloy na kumikilos ang bagyo sa loob ng PAR.

(JESSE RUIZ)

67

Related posts

Leave a Comment