CHILL LANG DAPAT SA BALITA, PERO PALAG SA SOBERANYA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng tuloy-tuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS), ramdam ang matinding ingay at pagkakawatak-watak—lalo na sa social media kung saan mabilis kumalat ang iba’t ibang pananaw. Pero sa gitna ng ingay, isang mahalagang paalala ang ibinaba ng Association of General and Flag Officers (AGFO), sa pamumuno ni retired Police Major General German Doria. Ang kanilang panawagan: Responsableng impormasyon na nakasandig sa tamang legal na konteksto.

Hindi ito usapin ng personal na opinyon, pamumulitika, o usong narrative lang sa TikTok at X. Ang WPS ay usapin ng ating soberanya, pambansang karapatan, at ng mismong Saligang Batas. Kaya naman napakalaki ng papel ng media at ng mga content creator ngayon—sila ang taga-translate ng mga komplikadong legal documents (tulad ng Administrative Order No. 29 at ng Extended Continental Shelf claim) para hindi maligaw o ma-mislead ang publiko. Kapag mali o out of context ang impormasyon, hindi lang kalituhan ang dulot nito; binabasag din nito ang tiwala natin bilang isang bansa.

Sang-ayon din ang AGFO sa naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Malinaw ang punto: Ang pagtatanggol sa ating teritoryo at pagsunod sa batas ay hindi optional para sa mga lingkod-bayan. It’s literally in their job description.

Kung may opisyal ng gobyerno na hindi kayang suportahan ang opisyal na posisyon ng Pilipinas sa WPS, dalawa lang ang pwedeng gawin: Dumaan sa tamang proseso sa hukuman (judicial remedies) o mag-step aside at magbitiw sa puwesto. Hindi pwedeng dalawa ang mukha kapag pambansang interes na ang nakataya.

Dahil ang pagiging makabayan sa makabagong panahon ay hindi lang basta pagpo-post ng social media. Ito ay ang pagiging critical thinker—ang pagkilatis sa tamang impormasyon at pagtayo sa kung ano ang legal at tama. Sa pamamagitan ng katotohanan, tunay nating nasusuportahan ang ating mga sundalong nagbabantay sa karagatan at ang ating mga mangingisda sa Exclusive Economic Zone (EEZ).

Sa gitna ng usapin ng teritoryo, ang mulat at aligned na mamamayan ang pinakamatibay nating depensa.

81

Related posts

Leave a Comment