CAVITE – Naka-hospital arrest ang isang buko vendor na nagpapanggap na miyembro ng Highway Patrol Group (HPG), at umano’y nangongotong sa mga motorista, matapos mabaril habang nakikipagbuno sa isang awtoridad sa Gen. Trias City noong Miyerkoles ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa ospital ang suspek na si alyas “Lawrence”, binata, ng Phase 1, Parklane Subd., Brgy. San Francisco, Gen. Trias City dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan mula sa service firearm ni Police Chief Master Sergeant Elan Demate, 45, ng PHPT-Cavite Camp Pantaleon Garcia, Imus City.
Ayon sa ulat, nabatid na ang suspek ay isinailalim sa surveillance ng HPG dahil sa umano’y pagpapanggap nito bilang miyembro ng HPG at pagsusuot ng uniform nito at umano’y nangongotong sa dumaraang mga motorista.
Naaktuhan naman ito ng mga awtoridad habang naka-uniporme ng HPG at naka-jacket ng NBI sa Parklane Subd., Brgy. San Francisco, Gen. Trias City dakong alas-10:30 ng gabi.
Nang sitahin, pumalag ito at umano’y sinuntok sa mukha si Demate na humantong sa kanilang pagbubuno hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan sa dibdib ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)
63