Aabot sa P58 milyong halaga ng pekeng goods ang itinurn over ng Bureau of Customs- Intellectual Property Property Rights Division (BOC-IPRD) sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) para sa tuluyan na ring pagsira sa mga ito ng National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR) sa Camp Crame.
Nitong nagdaang Biyernes, isinagawa ang pagsira ng pekeng goods sa pangunguna ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge PLTGEN Archie Francisco Gamboa na namuno sa ceremonial destruction kasama si Deputy Director General Teodoro C. Pascua ng IPOPHIL.
Ang nasabing fake goods ay nasabat sa isinagawang anti-smuggling operations ng ahensiys sa isang mall sa Binondo, Manila at warehouse sa Baclaran, Pasay City.
Magugunitang noong buwan ng Hulyo, sinalakay ng BOC ang kahalintulad na shopping mall sa Binondo, Manila na kung saan nagresulta ito sa pagkasabat ng P4 bilyong halaga ng counterfeit goods na kinabibilangan ng mamahaling bags at wrist watches.
Maging noong Mayo, nasabat din ang maraming sabon, lotion at shampoo na nagkakahalaga sa P6 milyon sa isang warehouse sa Baclaran, Pasay City.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ng kabuuang 14 na kahalintulad na operasyon ang BOC para sa kasalukuyang taon na nagresulta ng pagkakasabat ng kabuuang P7 bilyong halaga ng counterfeit goods.
Dumalo rin sa pagsira ng naturang kontrabando ang kinatawan mula sa BOC na sina IO2 Dominic L. Garcia, OIC, IPRD at IO2 Antonio Aylemer R. Percela, miyembro ng IPRD.
Bilang isa sa member-agencies ng NCIPR, ang Bureau of Customs ay naging aktibo sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang pangyayari, aktibidad at operasyon nito. (Jo Calim)
