Jeepney phase out namumuro AYUDA SA PUJ DRIVERS, OPERATORS TINIYAK NG PALASYO

TINIYAK ng Malakanyang na hahanapan ng paraan ng pamahalaan na matulungan ang mga drayber at operator ng old jeepneys sakaling matuloy ang pinangangambahang phase out sa kanilang hanay.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito upang mabigyan sila ng tulong kapag natuloy ang pag-phase out sa mga lumang Jeep dahil sa modernization program ng gobyerno.

Ito aniya ay upang makapagpatuloy sila ng pamamasada o paghahanapbuhay sa pamamagitan ng mga modernong Jeepney.

Sa kabilang dako, una nang sinabi ng Malakanyang na pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagbibigay ngayong buwan ng tulong pinansyal sa lahat ng driver ng pampublikong sasakyan na hindi pa rin nakakapamasada dahil sa COVID-19.

Ngayong linggo, inilutang ng pamahalaan ang posibleng pagkuha sa mga jeepney driver bilang contact tracers.

“We are actually considering alternative livelihoods for them. There’s a suggestion that they be employed as contact tracers because we do need about 120,000 of them and its only about 30,000 employed so far,” ayon kay Sec. Roque.

Nangangailangan ang Pilipinas ng mahigit 95,000 contact tracers para sa COVID-19 response.

Sa kabilang dako, sinabi ng health department na ang bansa ay may 38,000 contact tracers sa kasalukuyan.

Malayo sa bilang na 126,000 benchmark para ma-meet ang standard ng World Health Organization para sa Pilipinas na magkaroon ng isang contact tracer sa kada 800 katao.

Nauna rito, sinabi ng Transport group na PISTON na may 500,000 jeepney drivers at 200,000 small jeepney operators ang apektado ng lockdown. CHRISTIAN DALE

76

Related posts

Leave a Comment