ONLINE SEXUAL ABUSE PINATUTUTUKAN

KINALAMPAG ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP) na mas paigtingin ang pagsugpo sa online sexual exploitation of children (OSEC) sa gitna ng pagdaraos ng “National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation.”

Idinadaos ang naturang pagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Pebrero.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bahagi nito ang patuloy na pagsuri sa pagsunod ng mga internet service provider (ISPs) sa Anti-Child Pornography Act of 2009 (Republic Act No. 9775).

Ang mahigpit na pagpapatupad ng naturang batas ay isa sa mga rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) upang masugpo ang pagtaas ng mga aktibidad na may kinalaman sa OSEC.

Sa isang pagdinig, ibinahagi ng IACAT na ang online tips sa mga pinaghihinalaang kaso ng OSEC ay lumobo sa mahigit isang (1.2) milyon noong 2020, mas malaki ng tatlong beses sa apat na raang libong (400,000) naitala noong 2019.

Dumami rin noong nakaraang taon ang bilang ng mga nasagip na mga biktima. Ang halos isang daan at walumpung (172) nasagip ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) ay mas mataas sa isang daan at dalawampung (120) nasagip noong 2019. Dumami rin ang mga nasagip ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTD) na umabot sa labing siyam (19) noong 2020 mula apat noong 2019.

“Ang pagdami ng mga akitibidad na may kinalaman sa online sexual abuse laban sa mga kabataan ay naging parang isa na ring pandemya na kailangan nating masugpo. Maliban sa patuloy na pagtugis sa mga gumagawa ng mga krimeng ito, kailangan din nating patatagin ang ating mga batas upang mailigtas natin ang maraming nanganganib na mga kabataan,” ayon kay Gatchalian.

Ayon pa sa senador, kailangan nang madaliin ng Kongreso ang pag-amyenda sa mga batas na may kinalaman sa trafficking. Ang Senate Bill No. 1794 halimbawa, na inihain niya mismo, ay naglalayong patatagin ang Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na inamyemdahan ng Republic Act No.10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) para sa mas mabisang pagsugpo ng iba’t ibang anyo ng human trafficking.

Layon din ng naturang panukala na bigyan ang mga ISP ng mga responsibilidad tulad ng paglalagay ng teknolohiya o programang haharang sa anomang uri ng child pornography.

Para sa mga tourism-oriented establishment naman, isinusulong ang pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pag-ulat ng mga krimeng may kinalaman sa human trafficking. (ESTONG REYES)

109

Related posts

Leave a Comment