PRICE HIKE SA IBA PANG PRODUKTO HINIRIT

sardinas

ASAHAN na ang pagtaas din ng presyo ng sardinas, meat loaf, corned beef, kape at sabon matapos humirit sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga manufacturer nito.

Nakatanggap na ang DTI ng notice of price adjustment mula sa mga ito ngunit pinag-aaralan pa umano nila ito.

Pagsusumikapan nila na maging reasonable ang presyo para sa kapakanan ng mga mamimili.

Agosto 2022 nang huling magpalabas ang DTI ng suggested retail price (SRP) guide para sa ilang items.

Samantala, noong Biyernes, magkasamang binisita nina DTI Secretary Alfredo Pascual at Senador Mark Villar, chairperson ng Senate committee on trade, commerce and entrepreneurship, ang ilang supermarket sa Makati City.

Natuklasan ng mga ito na ang items na binebenta ay sumusunod sa SRP o mas mababa pa.

Nagpunta rin sina Pascual at Villar sa Guadalupe Market sa Makati City para i- check ang agricultural products.

“Ilan ba talagang toneladang sibuyas ang naha-harvest natin? At ilan ang demand total? Ilan ang shortage na kailangang ma-meet at kung sakali ng import? So kailangan gagawing digitalized system ‘yan,” ani Pascual.

“Kung may buffer stock na kontrolado ng gobyerno, ang tingin ko, ‘yung mga traders, hindi magkakalakas loob na mag-hoard at mag-manipulate ng price,” dagdag na pahayag ni Pascual.

Sinabi naman ni Villar na ang susunod nilang iinspeksyunin ay ang mga wholesaler.

“Ang next naming bibisitahin namin ay ang mga wholesalers para ma-trace namin kung saan nagkakaroon ng malaking pagtaas ng presyo,” ani Villar.

“Ang babantayan natin ‘yung mga nasa lower price ranges kasi ‘yon ang mga binibili ng mga karaniwang mamimili. Pag-aaralan naman namin kung kayang ma-absorb ‘yung presyo,” ayon naman Kay Pascual. (CHRISTIAN DALE)

371

Related posts

Leave a Comment