SUSPENSYON NG FUEL EXCISE TAX AT VAT MULING ISUSULONG

NANGAKO si Senador Koko Pimentel na isusulong sa susunod na Kongreso ang panukala upang suspendihin ang pagpapataw ng excise tax at iba pang pagbubuwis sa produktong petrolyo.

Ito ay sa gitna ng patuloy na paghihirap ng publiko sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Pimentel na isa ito sa maaaring gawin ng gobyerno upang mabawasan ang dagok na kinakaharap ng mamamayan.

Samantala, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kailangan munang timbangin ang buti at masamang idudulot ng suspensyon ng excise tax at VAT.

Aminado si Drilon na hindi madaling desisyon ang pagsususpinde ng ipinapataw na buwis lalo pa’t malaking kabawasan ito sa kita ng gobyerno.

Subalit sa isang banda, ang matitipid naman ng publiko sa suspensyon ng buwis ay magagamit din sa ibang gastusin na babalik din sa pamahalaan.

Si Senador Grace Poe naman ay tiniyak na muling ikakasa ang panukalang batas na pansamantalang sususpinde sa paniningil ng excise tax sa lahat ng produktong petrolyo upang mapagaan ang hagupit ng pagtaas ng presyo sa mamamayang Pilipino.

Ipinanukala ni Poe ang pag-aamyenda sa Section 148 ng National Internal Revenue Code na nagtatakda ng awtomatikong suspensyon ng excise tax sa regular na gasoline, unleaded premium gasoline at diesel kapag pumantay o lumampas sa US$80 kada barilies ang halaga ng Dubai crude oil base sa Mean of Platts Singapore sa loob ng tatlong buwan bago ang pagtaas.

Sinabi ni Poe na mabibigyan ng pansamantalang ayuda ang publiko sa suspensyon ng oil excise taxes dahil maibababa nito ang presyo ng produktong petrolyo kaya mababawasan ang gastusin sa halaga ng produkto at serbisyo.

“Sa ating mamamayan na nasa arawang survival mode, magbibigay na krusyal na tulong ang suspensiyon ng buwis sa langis,” ayon kay Poe.

Samantala, inihayag ng oil companies na magkakaroon ng panibagong pagtataas na epektibo ngayon Hunyo 21 (Martes) kaya aabot sa P100 kada litro ang halaga ng gatong.

“Kung gagastos ang pamahalaan ang bilyong halaga ng cash assistance sa tinutudlang benepisaryo, dapat handa din mawala ang ilang bahagi ng kita sa kritikal na panahon upang masagip ang milyong buhay,” giit ni Poe.

Upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, unang ipinanukala ni Poe na ipatupad ang resolusyon ng Civil Service Commission na pinapayagan ang flexible work arrangement sa empleyado ng pamahalaan na hindi sinasakripisyo ang mabilis at kalidad ng serbisyo publiko. (DANG SAMSON-GARCIA/ESTONG REYES)

59

Related posts

Leave a Comment