UGNAYAN NI ‘ALLAN LIM’ KAY DU30 PINASISIYASAT

0

INUNGKAT ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes ang koneksyon ng Chinese national na si “Allan Lim” sa Pharmally Pharmaceutical Corporation at mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Hontiveros, si Lim ay nakunan ng video noong 2017 na kasama sa pagpupulong ni Pangulong Duterte at mga executive ng Pharmally na ngayon ay sangkot sa anomalya.

“Siya din ba yung Allan Lim o Lin Weixiong na ayon kay anti-drug operator Eduardo Acierto ay sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga?

Kailangan natin alamin ang lahat ukol sa taong ito. Kung totoo man na siya ito, nakakabahala na ganyan ang mga taong nakapaligid sa Pangulo,” ayon kay Hontiveros.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinakita ng senadora ang larawan ni Allan Lim kasama si Rose Nono Lin, na isang incorporator ng Pharmally Biological Inc., na sister company ng Pharmally Pharmaceutical. Ayon sa mga source ni Hontiveros, asawa ni Rose Lin si Allan Lim.

Napag-alaman din na si Lin ay incorporator ng Full Win o Fu De Sheng Group sa Pilipinas, na pinamumunuan ng former presidential economic adviser na si Michael Yang. Ang chairman ng Full Win na nakabase sa Xiamen, China – si Zheng Bingqiang – ay wanted sa Taiwan dahil sa pagmamanipula ng mga stock ng Pharmally.

“Susi si Rose Nono Lin para maliwanagan ang komite sa kaduda-dudang mga koneksyon na ito. Pwedeng-pwede siyang maimbita sa hearing kasi hindi siya mahirap hanapin. Sa katunayan, kalat na kalat ang tarpaulin niya sa 5th District ng Quezon City, may sarili siyang YouTube channel, at aktibo siya sa social media. Mukhang tatakbo pa nga siya sa Kongreso bilang kinatawan ng 5th District ng Quezon City,” ani Hontiveros nang maghain siya ng mosyon sa komite para ipa-subpoena si Lin.

Nauna nang isiniwalat ni Hontiveros na ang mga executive ng Pharmally, ang pinakamalaking supplier ng medical supplies para sa pandemic response ng bansa, ay mga pugante na hinahanap ng gobyerno ng Taiwan.

“It seems these people run in the same circles. Dapat masagot nila ang ugnayan nilang lahat, at kung bakit mukhang ang lakas nila sa Pangulo. Naniniwala akong hindi habambuhay matatago ang anomang alingasaw at baho,” pagtatapos ni Hontiveros. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment