CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAGKAUTUTANG dila sina Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Mona Dimalanta at dati niyang boss na Aboitiz. Dati yun, pero iba na pala ngayon ang sitwasyon. Nalanta na ang magandang bukluran.
Madalas kasing ipatawag si Dimalanta sa kaharian mula nang siya ay maupo bilang ERC chairperson. Lagi rin laman ng Malacañang ang kanyang dating bossing na si Sabin Aboitiz dahil ito ang lead convenor ng binuong Private Sector Advisory Council ni Pangulong Bongbong Marcos.
May nasilip ang mata natin sa Palasyo. Kapag naroroon si Dimalanta ay bidang-bida ang mga Aboitiz, sa usapan. Puro pabor sa mga ito ang maririnig.
Natural, hindi makatanggi si Dimalanta. Ang dati niyang among si Sabin at si PBBM ang nagluklok sa kanya sa ERC.
Nag-iba na raw ang ihip ng hangin na nagpabago sa timpla ni Dimalanta.
Pudpod na nga naman ang suwelas ng kanyang sapatos sa parine’t paroon sa Palasyo, bukod sa talagang nakapapagod, palagi pa raw iniipit si Dimalanta para katigan ang lahat ng “nais ko” ng Aboitiz.
Napupuno na siya. Naks, a-buwisit na si Dimalanta sa Aboitiz?
Nagbubunganga na raw si Mona dahil nakakaapekto na ito sa trabaho ng ERC bilang regulatory body. Puwede nga namang pumutak lalo na’t hindi na niya nagagawa ang tungkulin na pamunuan nang tama ang ahensiya.
Madalas pa namang ilitanya ni chairperson ang Section 38 ng RA 9136 o ang EPIRA Law na lumikha sa ERC bilang “independent, quasi-judicial regulatory body.” Ang linaw ng nakalagay – independent. Kaya hindi dapat madalas pinatatawag ni Sabin sa Malacañang.
Kaya ba makupad at ang gulo ng ERC ngayon dahil inutusan siya na paboran ang amo at ipitin ang karibal sa negosyo?
Tapos hahanapan pa ng Malakanyang ng solusyon sa yellow at red alerts. Sinong hindi mahihilo sa sitwasyon?
Bakit biglang nagbago si Dimalanta? Baka lumabas na ang kanyang tunay na kulay at nais nang suwagin ang taong naglagay sa kanya sa puwesto?
Dating pinklawan si Dimalanta, na masugid na tagasuporta ng kandidatura ng noo’y Vice President Leni Robredo bilang pangulo.
Nagpalit nga lang ng kulay nang manalo si PBBM at italaga siya sa ERC.
Mula sa pink, naging pula.
Sa kanyang patuloy na pagmamatigas sa gusto ng kanyang mga bossing ngayon, aba baka bigla siyang malanta at mawala sa puwesto.
Ika nga, kung ayaw mapaso at hindi kaya ang init ay lumabas na lamang.
Kung hindi kayang sumunod ay mas mainam ang magbitiw. Masakit pa naman ang hataw ng palayok kaya ‘wag na niyang antaying sibakin siya sa puwesto.
Walang forever. Tingnan n’yo ang hiwalayan ng KathNiel at break-up ng KimXi. Teka idagdag natin ang napunit na Unity.
‘Yan din kaya ang hantungan ng SabOn? Nalalanta at nauubusan ng bula.
