(NI JEDI PIA REYES)
NAPANATILI ng bagyong Ramon ang lakas nito habang mabagal na kumikilos patungong Cagayan area.
Batay sa huling severe weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga tatama sa kalupaan ang bagyo sa dulong bahagi ng Cagayan province.
Inaasahang babayuhin ng bagyong Ramon ang Northern Luzon sa Martes bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkoles. Ibinabala ng PAGASA ang mga pag-ulan simula sa Linggo hanggang Lunes.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 420 kilometro ng Silangan-Hilagang Silangan ng Casiguran, Aurora. Taglay nito ang lakas ng hangin na hanggang 75 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 90 kilometro kada oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa Silangang bahagi ng Cagayan (Santa Ana
Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, Baggao at Peñablanca); Silangang bahagi ng Isabela (Maconacon
Divilacan, Palanan at Dinapigue); Hilagang Aurora (Dilasag, Casiguran at Dinalungan).
Samantala, patuloy namang binabantayan ang bagyong nasa labas pa ng PAR na may international name na Fengshen gayundin ang Northeast Monsoon o hanging Amihan.
317