BARANGAY COUNCILOR BINARIL NG KAAWAY NG PAMANGKIN

CAVITE – Inoobserbahan sa pagamutan ang isang barangay councilor makaraang barilin ng suspek na kaaway ng kanyang pamangkin sa barangay hall sa bayan ng Tanza noong Huwebes ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa Tanza Doctor’s Hospital ang biktimang si alyas “Emilio”, 54, ng Brgy. Amaya 3, Tanza, Cavite dahil sa tama ng bala sa ulo.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Andy”, ng nasabi ring barangay, na tumakas sa direksyon ng Amaya Crossing, Tanza, Cavite sakay ng tricycle.

Ayon sa ulat, bandang alas-11:00 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nakaupo ang biktima sa harap ng barangay hall.

Dumating umano ang suspek na lulan ng tricycle at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima at pagkaraan ay mabilis na tumakas.

Nabatid na bago ang pamamaril, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang pamangkin ng biktima.

Namagitan umano ang biktima sa away ng dalawa naging dahilan upang magtanim ng galit ang suspek sa una.

Pagkaraan ay umuwi ang suspek subalit bumalik ito at binaril sa ulo ang biktima. (SIGFRED ADSUARA)

95

Related posts

Leave a Comment