TOTOO ang kumalat na balita nitong nakalipas na Sabado na nag-resign na si Executive Secretary Lucas Bersamin sa kabila ng naunang pagtanggi na ipinalabas ng Palasyo ng Malakanyang.
Kinumpirma ito mismo ng isang opisyal ng Presidential Communications Office (PCO) na nadulas magkuwento sa ilang staff ng Media Accreditation and Relations Office (MARO) ng PCO kung saan nagsimula ang ‘marites’ na nag-resign na si Bersamin bilang ES ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Si PCO official na kilala sa alias Bulldog ay nagsabing hindi niya sukat akalain na masangkot sa iskando si Bersamin dahil isa itong dating Chief Justice ng Kataas-taasang Hukuman.
Magkagayunman, bad trip umano sa kanya ang Pangulong Marcos at asawang si Liza Araneta Marcos (LAM) nang makarating sa kanilang kaalaman na daang milyong piso ang umiikot na pera sa Office of the Executive Secretary ngayon para lamang mailagay sa ‘juicy position’ ang ilang opisyales ng pamahalaan.
Isa sa halimbawa rito, ayon pa kay Bulldog, ay nang ibenta ang puwesto ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Pagyayabang ng isang SBMA official na hindi siya maaalis sa puwesto dahil nagbigay siya ng P250 million sa tanggapan ni ES Bersamin at may hiwalay pang P50 million para naman sa tanggapan ng Senior Deputy Executive Secretary na pinamumunuan ngayon ng isang nagngangalang Atty. Hubert Guevarra.
Sinabi ni Bulldog na si Guevarra ay malapit na tauhan ni LAM at ni Presidential Legal Adviser o dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Bukod dito, ilang ‘conversation messages’ din ang na-trace ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) tungkol naman kay Assistant Secretary Adrian Bersamin.
Si Asec Adrian, ang mukhang totoy na opisyal na palaging nasa tabi ni ES Bersamin. Pamangkin ito ng opisyal at siya rin halos ang may hawak ng lahat ng schedule at appointment ng Little President.
Pagbibida ni Bulldog na lahat ng opisyales at mga dating opisyal ng Malakanyang ay pinapa-wiretap umano ni LAM at doon nadiskubre sa ‘convo message’ ni Asec Adrian ang transaction sa ‘position for sale’ na umaabot ng hindi bababa sa P100 million kada puwesto — depende kung gaano kaganda ang posisyon.
Samantala, maging ang dating Manila Times reporter na si Jomar Canlas na kasalukuyan ding assistant secretary sa OES ay nalalagay sa intriga.
Sinabi ni Bulldog na hindi umano nagustuhan nina PBBM at LAM nang malaman na nakabili ito ng Bagong Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P5.7 million.
“Magkano lang ba ang suweldo naming mga usec at asec? Bakit siya nakabili agad ng Land Cruiser. Eh ako nga nagtyaga lang sa 2nd hand na Honda CRV,” sabi pa ni Bulldog.
Kaugnay nito, bukod kay ES Bersamin, lahat umano ng opisyales ng OES hanggang sa mga directorial positions ay pinagre-resign na rin ng Malakanyang.
Isang meeting ang itinakda ngayong Lunes sa pagitan nina PBBM, LAM, SAP Anton Lagdameo at ng lang ISAFP at NICA officials, matabil na kuwento pa ni Bulldog.
Isang graceful exit na lamang ang inihahanda ng Palasyo para hindi masyadong magmukhang kahiya-hiya ang pag-alis sa puwesto ni Bersamin.
Tinangka ng patnugutan na kunin ang panig nina Bersamin, ngunit wala silang tugon sa aming pagtatanong.
Nakahanda naman ang buong patnugot na ibigay ang kanilang panig anomang oras nila gustuhin.
2268