PABOR ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) sa programa ng Philippine Ports Authority (PPA) na makatutulong para mapababa ang mga binabayaran ng truckers sa pagpapatupad ng bagong sistema o ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS).
Ayon sa presidente ng CTAP na si Mary Zapata sa Balitaan sa Tinapayan, magiging insurance para sa container deposit na hindi pabigat sa kanila kaysa P10,000 hanggang P30,000 na ilalagak sa shipping line.
Ang CTAP ay pabor sa nakaambang pagpapatupad ng bagong monitoring system ng PPA na anila ay magpapagaan sa mga gastusin.
Sa ilalim ng monitoring system, aalisin ang container deposit fee na P10,000 hanggang P30,000. Sa halip, sisingilin ng PPA ang flat rate na P980 na insurance bawat container.
Ayon naman Teddy Gervacio, ang Chairman at Presidente ng Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), at isa sa mga tutol sa implementasyon ng sistema na hindi mandato ng PPA na iregulate ang shipping lines.
Aniya, walang assurance na irerespeto ng shipping lines ang TOP-CRMS.
Hindi rin aniya masasagot ng TOP-CRMS ang container imbalance dahil naka-focus lamang ito sa container deposit at kahit ang detention ng container van.
Binigyan-diin pa ni Gervacio na walang malinaw na polisiya ang bagong sistema at hindi rin aniya ito solusyon sa dekada nang problema upang mapababa ang logistics sa Pilipinas, sa halip ito ay dagdag gastos.
Hiling ni Gervacio, upuan at pag-usapan pa ito dahil marami pang nakikitang problema.
Ayon naman kay Zapata, magkakaroon ng public consultation ang lahat ng stakeholders (Biyernes ng hapon) upang pag-usapan pa ang mga bagay na may kinalaman sa mga bumibiyaheng truck.
Binigyan-diin ng CTAP na nais lamang nilang maayos ang problema kaugnay sa mabilis na proseso ng kanilang mga container kaya sang-ayon ito sa programa ng PPA.
Sinalungat din si Zapata ang akusasyon ng ‘bribery’ kaya pabor ang CTAP sa pagpapatupad ng Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) ng PPA.
“We deal on the issue at we are just being objective — ano ba ang isyu– yung marelieve ang problema for heavily container deposit,” pahayag pa nito.
Nais din aniya nilang mapagaan ang pamamaraan sa pagkuha at paglabas ng mga container at ang madaling pakikitungo sa mga shipping lines.
“Yung sinasabi nilang na-bribe kami ng PPA–well wala pa kaming natatanggap as of now,” diin pa ni Zapata.
(RENE CRISOSTOMO)
