BUNSOD ng maagap na aksyon ng mga tauhan ng Barbosa Police Station 14 ng Manila Police District, natimbog ang isa sa dalawang menor de edad at nabawi ang inagaw na money box mula sa jeepney driver sa Sta. Cruz, Manila noong Huwebes ng umaga.
Laking pasasalamat ng driver ng jeep kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, at sa mga tauhan nito sa pagkakadakip sa isang suspek at nabawi ang kita niya sa pamamasada.
Ayon sa driver, pumapasada siya ng jeep galing Divisoria papunta sa Sta. Mesa, ngunit pagtawid niya sa Abenida Rizal, sa Claro M. Recto Avenue nang biglang sinunggaban ng isa sa dalawang menor de edad ang money box na pinaglalagyan niya ng kita sa pamamasada.
Mabilis na tumakbong papalayo ang dalawang suspek kaya hinabol ng biktima patungo sa San Sebastian hanggang sa makasalubong ito ng nagpapatrolyang mga tauhan ni Mupas.
Hinabol ng mga pulis ang dalawang suspek hanggang sa madakip ang isa sa mga ito. (RENE CRISOSTOMO)
360