BAGAMAT dumadaan ngayon ang mga Pinoy sa kahirapan dahil sa Covid-19 pandemic ay nananatili pa rin tayong matatag at may positibong pananaw na malalagpasan natin ang pagsubok na ito.
Kitang-kitang sa paligid natin lalo na sa mga commercial establishments pagdating ng gabi ang mga kumukuti-kutitap na kislap ng ibat-ibang kulay ng mga naggagandahang ilaw ng mga
Christmas lights. Nagpapantunay lamang na ang mga Pinoy ay hindi nagpapatalo o nagpapaapekto sa banta ng Covid-19.
Pagpasok pa lamang ng buwan ng Setyembre ay nagsimula na ang iba na maglagay ng palamuti para sa Pasko.
Ngayong buwan ng Oktubre ay lalo pang naging masigla at dumami ang mga Christmas lights at mga nagtitinda mga parol na nakasabit na rin sa ibat-ibang langsangan at mga establisemento sa Metro Manila.
Aminin man natin o hindi kapag nakakakita tayo ng ganitong mga palamuti ay nabubuhayan tayo ng loob na may pagasa pa rin tayong makaahon sa ating dinaranas na kahirapan.
Ika nga nila, tuloy ang Pasko kahit na tuyo ang Pasko.
Pwede naman tayo mag- celebrate ng kapanganakan ng ating Panginoon na may kasamang pag-iingat na hindi tayo makahawa ng Covid-19 sa ibang tao.
Simpleng selebrasyon lang kasama ang ating sariling pamilya at magdasal na nakalipas na naman ang isang taon na ginagabayan tayo ng Poong Maykapal.
Ang lungkot sa ating buhay ay nababawasan kapag nakakakita tayo ng mga naggagandahang kislap ng mga ilaw ng Christmas lights.
Yan ang nakita kong positibong pananaw ng mga Pinoy na kahit anong bigat ng ating suliranin sa buhay ay hindi tayo nawawalan ng pag-asa na darating ang panahon ay makakaahon tayo.
Ang mga Pinoy ay marunong magdala ng problema hindi katulad ng ibang lahi na kapag nakaranas ng mabigat na problema ay humahantong sa pagpapakamatay. Kahit saan isabak na trabaho ang mga Pinoy ay kaya niyang dalhin, mapamaraan at madiskarte.
Masipag at maayos magtrabaho kaya naman hinahangaan tayo sa ibang bansa.
Malinis din tayo magtrabaho, kaya naman sa Gitnang Silangan at iba pang bansa sa Europe ay pinag-aagawan ang manggagawang Pinoy.
Kinikilala rin ang mga Pinoy na masayahing lahi ng tao sa buong mundo.
Kaya naman kinagigiliwan ang Pilipinas na puntahan ng mga dayuhan.
Magaling din tayo makisama, kaya naman madali tayong natatanggap ng ibang lahi sa buong mundo.
Kaya naman ang PUNA ay naniniwala na pagkatapos ng pandemya ng Covid-19 ay simula na ang pag-unlad ng bayan ni Juan.
Itong pandemya ng Covid-19 ang magsisilbing aral sa atin at dito natin nakita kung saan tayo nagkulang sa paghahanda.
Kapag ganito palang panahon ay hindi maikukubli ang kawalan preparasyon ng isang bansa at nang isang pamilya bago pa man dumating ang pandemya.
Alam na ng mga opisyal gobyerno at ama ng tahanan kung saan sila nagkulang kaya kinapos ng pondo.
Kaya nga nakapagandang halimbawa ang langgam na habang may sikat ang araw at hindi pa tag-ulan ay wala silang tigil sa pagiipon ng pagkain.
Kaya naman pagdating ng tag-ulan ay hindi na sila kinakapos ng pagkain, nasa mga lungga lang sila habang binabaha ng tubig ulan ang palibot ng kanilang bahay.
Naniniwala po tayo na magagawa natin yang mga Pinoy at sa tulong na rin ng mga matitinong opisyal sa gobyerno.
Sana magsilbing aral na itong naranasan nating pandemya ng Covid-19 na matinding humagupit sa sangkatauhan sa buong mundo.
Paglabas ng bakuna ng Covid-19 maaaring mahuli pa ang Pilipinas na makabili nito dahil ang bansa natin ay isang 3rd world country lamang.
Siyempre mas uunahin ng mga nakaimbento ng bakuna ng Covid-19 ang sarili nilang bansa at kasunod nyan ang ibang mayayaman na bansa na kaya bumili ng mahal na presyong bakuna.
Ang ikauunlad ng Pilipinas ay hindi lamang manggagaling sa pagsisikap mula sa mga opisyal ng gobyerno kundi maging sa kontribusyon ng taumbayan.
Ingat lang para makaiwas sa veerus.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
