ISINUSULONG ni Senador Raffy Tulfo na magpatupad ng ng One strike policy ang gobyerno laban sa mga employers na nang-aabuso ng mga overseas Filipino workers.
Sa pagdinig ng Committee on Migrant Workers na pinamumunuan ni Tulfo, pinuna nito ang paulit-ulit na ang diskriminasyon at pananakit sa mga OFW.
“Dapat one strike policy para masampolan sila. Kasi po paulit ulit na po ang problema, I’ve been helping the OFW for years and years na po decades na po and pare-pareho lang po ang problema,” saad ni Tulfo.
Inihalimbawa ni Tulfo ang isang amo na nanggahasa ng isang Pinay OFW at nang makauwi na ang Pinay ay pinalitan naman siya ng panibagong Pinay OFW na ginahasa rin ng kaparehong employer.
Ayon naman kay Usec Bernard Olalia ng Department of Migrant Workers, plano nilang i-blacklist ang residence mismo ng employer na may record na ng hindi magandang pagtrato sa mga OFW.
Samantala, sinabi ni DMW Secretary Toots Ople, nakausap niya ang head ng Human Rights Commission ng Saudi Arabia at nangako naman itong tutulong sa paghabol sa mga abusadong employers
“Ang sabi sa amin give us specific cases and tutulong kami sa paghabol sa mga exploitative at abusive na employers so susubukan po natin yan ngayong darating na Nobyembre,” pahayag ni Ople.
Ayon kay Tulfo, dapat ding mayroong regular na monitoring at check up at psychological exam ng DMW sa mga OFW malaman kung maayos pa ba ang mga OFW matapos ang 3 buwan nitong pamamalagi sa ibang bansa.
“I-undergo natin sila sa psychological exam pag nakitaan po natin na iba na ang sinasabi nito malungkot na to palaging umiiyak na lang, tulungan natin siya i-pull out na natin kasi ang nangyayari eh sinasagad eh hanggang sa di na makayanan ma dedepress magpapakamatay”
Nangako naman ang DMW na gagawin nila ang monitoring at psychological exam kada dalawa o tatlong buwan sa mga OFW. (Dang Samson-Garcia)
