HINDI kailanman papayagan o kukunsintihin ng administrasyong Marcos ang anomang ilegal na aktibidad na ang puntirya ay ang sinoman sa miyembro ng hudikaturang sangay ng pamahalaan.
Ang pahayag na ito ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ay kaugnay sa pagkondena ng isang pambansang asosasyon ng mga hukom at mandatoryong organisasyon ng mga abogado sa red-tagging at paninira laban kay Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 Presiding Judge Marlo Apalisok Magdoza-Malagar na nagbasura sa kaso ng gobyerno para ideklara bilang mga terorista ang Communist Party of the Philippines at ang armed wing nito, New People’s Army (CPP- NPA).
Hindi kasi tanggap ng ilang dating opisyal ng administrasyong Duterte ang desisyon na ito ng hukom partikular na ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) spokesman Lorraine Badoy na nag-akusa kay Magdoza-Malagar na nag-aabogado para sa CPP-NPA.
“This administration will adhere to the rule of law. We will not endorse any illegal activity, and we will rely on the statement of the Department of Justice that this [case brought before Magdoza-Malagar’s sala] can be refiled,” ayon kay Cruz-Angeles.
Inakusahan ni Badoy, sa isang burado nang post si Magar na nag-aabogado sa CPP-NPA.
Kaagad namang nagpalabas ng magkahiwalay na pahayag ang Philippine Judges Association (PJA) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) bilang tugon sa post sa social media ni Badoy patungkol kay Judge Magdoza- Malagar.
Ayon sa pahayag ng IBP, ang mga hindi makatwiran at hindi makatotohanang bintang na ito ay lampas sa saklaw ng patas na debate. Sa halip ay nag-uudyok pa ng poot sa judicial system ng bansa.
“Stating rational reservations on the decisions of the judiciary is normal. Attacking its members (judiciary) and threatening them bodily harm is not. The judiciary’s job is to decide disputes. And no judge should ever feel threatened just by performing that duty,” ayon sa IBP.
Samantala, sinabi ng PJA na walang lugar sa demokrasya ang verbal attacks at pagbabanta ng karahasan at dapat kumilos ang gobyerno, lalo na kung opisyal o empleyado ng gobyerno ang naninira at gumagawa ng red-tagging.
“The Philippine Judges Association deplores in no uncertain term the undeserved vilification, red-tagging, and life-endangerment of a member of the judiciary. We call on the leadership of the present administration to declare that in no time under its watch will democracy be imperiled by an irresponsible and unfounded assault on a trial judge,” anang grupo.
Sa pagbasura sa proscription petition ng gobyerno laban sa CPP-NPA, binanggit ni Malagar ang ilang kaso ng Korte Suprema na nag-iiba ng rebelyon sa mga ordinaryong krimen at terorismo.
Binalaan din ng hukom ang mga may hilig sa red-tagging, na sinasabing inilalagay nito sa panganib ang buhay ng mga aktibista.
Si Malagar ang pangalawang hukom ng korte na ni-red-tag na may kaugnayan sa kilusang komunista. Ang una ay si Mandaluyong RTC Judge Monique Quisumbing-Ignacio, na ni-red-tag sa dalawang tarpaulin na nakasabit sa mga footbridge sa kahabaan ng EDSA matapos niyang ibasura ang kasong illegal possession of firearms laban sa mamamahayag na si Lady Ann Salem at trade unionist Rodrigo Esparrago.
Kasabay nito, tiniyak ng PJA sa publiko na sila, bilang “mga sentinel ng demokrasya,” ay patuloy na gaganapin ang kanilang tungkulin na ipinag-uutos ng konstitusyon nang hindi napipigilan ng mga pagbabanta o paninira. (CHRISTIAN DALE)
