ONLINE COMPLAINT DESK PARA SA MGA MANILEÑO, MULING PINABUBUKSAN NI YORME ISKO

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG makabago at makataong inisyatibo ang muling isinusulong sa lungsod ng Maynila sa darating na Hunyo 30—ang pagbabalik ng Online Complaint Desk.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, ito ay hakbang upang gawing abot-kamay, mabilis, at makabuluhan ang serbisyo ng pamahalaan para sa bawat Manileño.

Sa panahon ngayon na halos lahat ng aspeto ng ating buhay ay konektado na sa internet, hindi na dapat maging hadlang ang trapik o kakulangan ng oras upang makapagsumbong ng reklamo o makapagbigay ng mungkahi. “Dadaanan natin ang information superhighway. One click away lang ang inyong pamahalaan sa Maynila!” ani Mayor Isko.

Inatasan na rin niya si incoming Manila Public Information Office (MPIO) Director E-jhay Talagtag upang buhayin muli ang sistemang ito na kanyang unang ipinatupad.

Mula alas-12:00 ng tanghali ng Hunyo 30, magiging aktibo na ang Online Complaint Desk upang tumanggap ng mga hinaing, suhestiyon, at obserbasyon mula sa publiko.

Malaki ang papel na ginagampanan ng ordinaryong mamamayan sa pagtuklas ng mga problema sa komunidad—mula sa mga isyu sa basura, trapiko, katiwalian, at iba pa.

“Wala nang iba pang mainam na intel report kundi mula sa mga taong saksi sa aberya, ‘di kanais-nais na pangyayari, o sitwasyon,” sabi ni Mayor Isko.

Kaya naman, hindi na aniya kailangan pang pumila sa city hall—isang private message o shoutout lang, agad ay maririnig na ng pamahalaan ang boses ng tao.

Ang pagbabalik ng Online Complaint Desk ay hindi lamang teknolohikal na inobasyon kundi malinaw na patunay ng malasakit sa taumbayan.

Isa itong konkretong anyo ng open governance, kung saan ang mamamayan ay hindi lang basta tagamasid kundi aktibong kabahagi sa pamumuno at pagpapatakbo ng lungsod.

Tunay ngang kung may malasakit, may paraan.

At sa pamumunong may puso at bisyon tulad ni Mayor Isko Moreno, ang Maynila ay patuloy na magiging huwarang lungsod sa modernong pamahalaan na bukas, mabilis, at tunay na para sa tao.

52

Related posts

Leave a Comment