WALANG SAYSAY ANG SKYWAY, LRT-1, LRT-2 AT IBA PA

ANG pagkakaroon ng mga tren at elevated highways ay hindi lang aksyon upang paunlarin ang sistema ng pampublikong transportasyon ng bansa, kundi nakatuon din sa pagsulong ng ekonomiya.
Katunayan, estratehiyong sangkap sa ekonomiya ang tranportasyon at kalsada.

Magkadikit at magkatuwang ang puwesto ng transportasyon at kalsada sa ekonomiya.

Samakatuwid, tama at nasa tamang direksyon ang pagpapahaba sa inaabot at sinasakop na ruta ng LRT-1 (mula Caloocan hanggang Baclaran kung saan malapit nang buksan ang ruta hanggang Cavite) at
ng LRT-2 (mula Maynila hanggang Pasig na ilang buwan na lang ay bubuksan na ang ruta nito hanggang Antipolo).

Mapapabilis ng mga ito ang byahe ng mga tao ­kumpara sa pagsakay nila sa dyip at taksi.

Tapos, makatitipid pa sila ng pamasahe.

Sa maiksing oras at murang pamasahe ay makararating sila sa kanilang pupuntahan.

Ang tawag sa ganyan sa ekonomiya ay “efficiency”.

Maganda ring balita ang pagkakaroon ng Skyway Stage 3 ng San Miguel Corporation (SMC), sapagkat walang dudang napakalaki ng tulong nito sa ekonomiya ng bansa.

Mabilis ang byahe nito mula Buendia sa Makati hanggang sa Boni – Balintawak sa Quezon City.

Kung ako ang ­motorista ay dito ako daraan upang makaiwas sa napakalalang trapik sa Epifanio delos Santos Avenue (Edsa).

Pero syempre, kailangang magbayad ang mga motorista ng toll fee.

Ang ipinasa ng kumpanya ng SMC sa Toll Regulatory Board (TRB) ay P110 hanggang P274, depende sa layo ng daraanan ng motorista sa Skyway.

Sabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Finance Gary Guzman, “dapat resonable” ang toll fee sa Skyway.

Kung hindi resonable ay iiwasan umano ang mga motorista na dumaan sa Skyway dahil para sa kanila ay ­masyadong mataas ang toll fee na pinaaaprubahan ng SMC sa TRB.

Kung totoo ang napansin ni Guzman, sayang naman ang Skyway.

Hindi nito makakamit ang layunin nitong maibsan ang trapik sa Edsa at iba pang bahagi ng Metro Manila, kabilang ang C-5.

Pokaragat na ‘yan!

Nagpahiwatig si Guzman na aaprubahan ng TRB ang toll fee ng SMC kung ibababa nito sa P110 hanggang P274.

Malaki ang tulong ng Skyway, LRT-1, LRT-2 at iba pang kahalintulad na mga proyekto dahil napakalaki ng ambag nito sa patuloy na pagsulong, pag-unlad at pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa.

Ngunit, walang saysay ang Skyway, LRT-1, LRT-2 at iba kung paglabas ng Skyway, pagbaba ng LRT-1 at LRT-2 ay napakasahol na trapik ang makikita mo.

Pokaragat na ‘yan!

Mayroon pa namang panibagong plano ang SMC ni Ramon Ang na panibagong mahabang kalsadang magpapabilis ng byahe mula Maynila hanggang Marikina at Pasig.

Ngunit, maging ito ay magiging walang saysay rin dahil sa sobrang trapik sa mga kalsada sa Metro Manila.

Kaya, napakalaking ­hamon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinamumunuan ngayon ni Benjamin “Benhur” Abalos Jr. at ng Metro Manila Council (MMC) na pinamumunuan sa kasalukuyan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang paglutas sa problema ng trapiko ngayong mayroong Skyway, humaba na ang ruta ng LRT-1 at LRT-2 at iba pang mga pagbabago sa mundo ng pampublikong transportasyon kalsada.

Sa totoo lang, hindi lang ngayon hamon ang matinding trapik, kundi matagal na.

Hindi pa man si Benhur ang hepe ng MMDA ay hamon na ito.

Ang totoo, kahit noong ang tatay pa na ni Benhur na si Benjamin Abalos ang MMDA chairman ay napakalaking problema na rin ang trapik sa Edsa at iba pang kalsada sa Metro Manila.

Hindi pa man pinuno ng MMC si Olivarez ay problema na ang trapik.

Kahit nga sa ­Parañaque ay mayroon ding ­napakatinding trapik araw-araw na hindi malunasan ni Olivarez.

Obligadong magtulungan at mag-isip nang maigi ang MMDA, MMC at DOTr upang maglatag ng pinakamahusay at pinakaepektibong programa laban sa trapik.

Hindi iyong concrete at plastic barriers, u-turn slots, mga linya sa kalsada at mga bus stop sa gitna ng Edsa.

Pokaragat na ‘yan!

Dapat, huwag iyong mga proyektong pagkakaperahan ang isusulong at igigiit.

Kung hindi malulunasan ang napakasahol na suliranin na trapik sa Metro Manila ay pihadong tataas pa sa mahigit tatlong bilyon ang ­masasayang sa ekonomiya ng bansa.

Sa pag-aaral na isinagawa ng isang institusyon noong panahon ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino, nutukoy na pumapalo sa mahigit P2 bilyon ang nasasayang sa ekonomiya nang dahil sa napakasahol na trapik.

Magtatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit mukhang hindi maiibsan ang trapik.

Aruking mabuti na napakalaking halaga ng mahigit dalawang bilyon, lalo na mahigit tatlong bilyon.

Arukin ding mabuti na ­sobrang laki na ang magagawa nito sa ating bansa tulad ng pagpapatayo ng mga paaralan at pagamutan sa mga liblib na bayan.

58

Related posts

Leave a Comment