KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na walang rekord ang Bureau of Immigration (BI) na nagpapatunay na nakalabas na ng bansa ang puganteng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ito ang paglilinaw ni Justice Secretary Fredderick Vida kasunod ng pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakalabas na ng bansa ang negosyante sa pamamagitan ng backdoor.
Gayunman, sinabi ni Vida na hindi nila kinukuwestiyon ang pahayag ng DILG at nakabatay lamang ang kanilang posisyon sa mga opisyal na rekord ng immigration.
Ipinaliwanag ni Vida na posibleng makalabas ng bansa ang isang indibidwal nang walang katumbas na rekord sa BI, lalo na kung gumamit ito ng tinatawag na backdoor o rutang hindi dumadaan sa sistema ng ahensiya.
Nananatili umanong hamon sa mga awtoridad ang pagiging porous o madaling makalusutan ng mga hangganan ng Pilipinas, bilang isang bansang binubuo ng maraming isla.
(JULIET PACOT)
89 