GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
ALAM mo kung ano ang nakaiinis sa pagpunta sa government office? Minsan, mas matagal ka pang maghintay kaysa mismong pagproseso ng dokumentong kailangan mo. Kaya naiintindihan ko ang reklamo ni @mami__paloma sa Threads tungkol sa kanyang karanasan sa pagkuha ng police clearance sa Quezon City Hall. Ayon sa kanya, mabagal ang pila habang may birthday celebration umano ang mga empleyado.
Mas nakakuha ng pansin ang kanyang reklamo nang sabihin niyang galing siya sa ospital para sa laboratory test na nangangailangan ng pag-aayuno. Habang naghihintay, nahihilo na raw siya sa gutom. Kung ako ang nasa sitwasyon niya, maiinis din ako. Hindi biro ang maglaan ng oras at pamasahe para sa isang dokumento, lalo na kung hindi mo alam kung kailan ka aasikasuhin.
Gayunman, ayon sa QCPD, may 29 na police clearance na naiproseso mula 11:40 ng umaga hanggang 12:13 ng tanghali. Sinabi rin nitong may alternate lunch break arrangement upang magpatuloy ang serbisyo. Kaya hindi tamang sabihing tuluyang tumigil ang lahat ng transaksyon. Pero para sa akin, mahalaga pa ring alamin kung bakit nagkaroon ng ganitong reklamo.
Hindi lang naman bilang ng naprosesong dokumento ang sukatan ng magandang serbisyo. Mahalaga rin kung malinaw ang paliwanag sa mga aplikante at kung maayos silang tinatrato. Kung matagal nang hindi umuusad ang pila, hindi ba makatuwirang magtanong? Hindi naman nangangahulugang nagiging istorbo ka kapag gusto mong malaman kung ano ang nangyayari.
Hindi rin ako tutol sa birthday celebration sa opisina. Mga tao rin ang mga empleyado at kailangan din nilang magpahinga. Pero dapat ay may maayos na sistema upang hindi mapabayaan ang mga aplikante. Puwedeng magdiwang nang hindi isinasakripisyo ang serbisyong inaasahan ng mga tao.
At hindi lang ito tungkol sa Quezon City. Maraming tao ang naglalaan ng oras at pamasahe para sa mga dokumentong kailangan nila sa trabaho, pag-aaral, at iba pang responsibilidad. Kapag natagalan sila, maaaring kailanganin pa nilang baguhin ang kanilang mga plano o bumalik sa ibang araw. Para sa kanila, hindi maliit na bagay ang nasayang na oras.
Sa totoo lang, hindi ang birthday cake ang problema ko. Ang mas nakaiinis ay ang posibilidad na maramdaman ng mga aplikante na hindi mahalaga ang kanilang oras.
Habang iniimbestigahan ang insidente, sana ay malinawan kung ano ang kailangang ayusin upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon.
Dahil kung ako ang tatanungin, hindi naman humihingi ng espesyal na pabor ang mga taong pumipila. Gusto lang nilang matapos ang kanilang pakay at makabalik sa kani-kanilang buhay. Hindi kailangang mawala ang birthday celebration, pero hindi rin dapat iparamdam sa mga aplikante na pangalawa lang ang kanilang oras.
79 