Pagbasura sa Walang-Pakundangang Pananakot at Pagtatanggol sa Inang Bayan

TAMBULI ni JESSE RUIZ

HINDI na maitatago sa likod ng mga matatamis na salita at huwad na panawagan para sa kapayapaan ang tunay at tahasang layunin ng Beijing.

Ang kamakailang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan—na madali umanong magwawagi ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas—ay hindi simpleng pagkaligtaan o nadulas lang ang dila.

Mga katoto, ito ay isang lantad, mayabang, at mapanlinlang na pagbabanta na naglalayong sumira sa moral ng ating bansa at maghasik ng takot.

Tama si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kanyang paggigiit na ang pahayag na ito ay naglantad sa tunay na kulay at baluktot na kaisipan ng pamahalaang Tsino: ang pagnanais na kontrolin ang ating soberanya.

Ang pagsasabing “suwerte” pa ang Pilipinas dahil kapitbahay nito ang China, kasabay ng pagyayabang na madali nila tayong mapasusuko sa pamamagitan ng lakas-militar, ay isang klasikong taktika ng panggigipit (bullying). Hindi ito kapayapaan; ito ang tahasang pagtatangkang pasunurin ang mahihina sa pamamagitan ng dahas.

Hindi rin nagkakalayo ang naging reaksyon ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.

Tama ang kanyang punto na walang dapat ipagpasalamat ang Pilipinas sa isang bansang pilit na inagaw at patuloy na nilalabag ang ating mga karapatan sa sarili nating karagatan.

Paano natin pasasalamatan ang isang kapitbahay na pinipilit tayong yumuko habang unti-unting sinasakop ang ating teritoryo?

Sa gitna ng mga ganitong banta, ang pagpapakita ng pangamba ay natural, ngunit ang pagpapatinag sa takot ay isang kataksilan sa bayan. Kung tatahimik tayo at magbubulag-bulagan, para na rin nating isinuko ang ating kalayaan.

Ang ginawang ito sa Vietnam, India, at maging sa Japan ay malinaw na babala: ang imperyalismong Tsino ay hindi titigil hangga’t hindi nito nakukuha ang buong kontrol sa rehiyon.

Kaya naman napakahalaga ng paninindigan ng ating pamahalaan at ang pagbubuklod ng mga bansang may parehong pananaw para sa joint resilience.

Hindi tayo nag-iisa. Ngunit higit sa tulong ng ibang bansa, ang pinakamalaking panangga laban sa pananakot na ito ay ang ating sariling pagkakaisa at matatag na loob.

Panahon na upang lalo pang patibayin ang ating depensa at isulong ang pambansang dignidad. Huwag nating payagang ang takot ang magdikta ng ating kinabukasan. Ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino, at kailanman, hindi tayo susuko sa mga nagtatangkang rumansack sa ating kasarinlan.

81

Related posts

Leave a Comment