PUNA ni JOEL O. AMONGO
PINAGDUDUDAHAN ng ilan na kaya malakas ang loob ng pamunuan ng Young Achievers’ School of Caloocan Inc. (YASCI) na basta na lamang tinatanggal ang kanilang mga empleyado nang walang mabigat basehan, ay dahil sa kanilang koneksyon sa lokal na pamahalaan ng Caloocan?
Nauna rito, si Ryan Nallica Limqueco, 39-anyos at residente ng Caloocan City, ay sumulat sa SAKSINGAYON Newspaper upang ireklamo ang ginawang pagtanggal sa kanya bilang janitor ng YASCI.
Ayon kay Limqueco, noong Setyembre 3, 2026 sinabihan siya ni Janet Hernandez, isa sa may-ari ng YASCI, na tanggal na siya bilang janitor ng paaralan.
Nakapaloob pa sa sulat ni Limqueco na nagsimula siya bilang janitor sa YASCI noong Nobyembre 22, 2024 na may arawang sahod na P416.
Ang pasok ni Limqueco ay alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, subalit minsan ay pinapapasok siya ng alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, lumalabas na mahigit sa labingdalawang (12 hours) oras ang kanyang pasok sa trabaho.
Sa kabila ng mahabang oras na pasok ni Limqueco ay hindi siya nakatatanggap ng Overtime Pay, walang SSS, PhilHealth, Pagibig at wala rin umano siyang holidays pay.
Sinabi rin ni Limqueco na wala siyang natatanggap na pay slip sa tuwing Sabado na kumukuha siya ng suweldo, maliban sa maliit na brown envelop na kung saan nakasulat ang halaga ng kanyang suweldo sa loob ng isang linggo.
Batay sa National Capital Region (NCR) Minimum Wage Progression (2024-2026): Year/Wage Order 2024 (Wage Order No. NCR-25), Effective Date July 17, 2024, sa Non-Agriculture Sector ay dapat may P645 arawang suweldo; Agriculture, Service & Retail (15 or fewer workers), Small Mfg (10 workers) ay may arawang suweldo na P608.
Kung pagbabasehan ang P645 kada araw na suweldo para sa Non-Agriculture sa NCR ay lumalabas na may nawawalang P229 arawang suweldo si Limqueco at kung siya naman ay nasa kategorya ng Agriculture, Service & Retail (15 or fewer workers), Small Mfg (10 workers) na may arawang suweldo na P608, ay may nawawala pa rin sa kanyang P192 kada araw na kita.
Ayon pa kay Limqueco, hindi na nga naibibigay sa kanya ng pamunuan ng YASCI ang tamang suweldo at mga benepisyo ay nagawa pa siyang tanggalin ni Janet Hernandez.
Si Janet Hernandez ay tiyahin ni 1st District, Caloocan City Councilor Orvince “Vince” Hernandez na may satellite office sa isa sa YASCI Building sa Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City.
Hindi kaya alam ni Councilor Vince Hernandez ang nangyayari sa kanilang mga empleyado na hindi nabibigyan ng tamang suweldo, at iba pang benepisyo na naaayon sa batas ng paggawa (DOLE Labor Law)?
Base sa ating pagkakaalam, ang trabaho ng city councilor ay gumawa ng mga ordinansa para sa ikabubuti ng kanilang mga constituents, subalit paano kung ang kanilang kumpanya mismo ay inirereklamo dahil sa mga paglabag sa batas ng paggawa?
Sa mga susunod na araw ay idudulog ni Limqueco sa DOLE ang kanyang hinaing laban sa YASCI.
Muli nating sinikap na makuha ang panig ng YASCI management subalit wala tayong nakuhang kontak sa kanila, maaari po tayong tawagan o i-text sa cell# 0977-751-1840.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
78 