BINIGYAN ng Korte Suprema ng 15 araw ang kampo ng administrasyon upang maghain ng motion for reconsideration at hilinging muling repasuhin ang desisyon nitong nagdedeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon kaugnay ng unprogrammed appropriations sa mga pambansang badyet.
Kinumpirma ito ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting kasunod ng anunsyo ng Malacañang na naghahanda ang pamahalaan na kuwestiyunin ang ruling sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG).
Ayon kay Ting, hindi pa pinal at executory ang desisyon ng Korte Suprema, kaya maaari pang hilingin ng mga kinauukulang partido na repasuhin ito sa pamamagitan ng motion for reconsideration.
Matatandaang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang P449.5 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations sa 2024 national budget, gayundin ang P17.99 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 budget.
Idineklara rin ng Kataas-taasang Hukuman na unconstitutional ang ilang special provision sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na hindi sinasang-ayunan ng administrasyon ang ilang bahagi ng desisyon dahil kumilos umano ang pamahalaan alinsunod sa batas.
(JULIET PACOT)
76 