NAGTIPON ang mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang palakasin ang kooperasyon at bumuo ng mga hakbang laban sa lumalawak at nagbabagong anyo ng transnational crimes sa rehiyon.
Pormal na binuksan sa Makati City ang ika-20 ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime (AMMTC), kung saan nagsisilbing host at chair ang Pilipinas ngayong 2026.
Sa opening ceremony, iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang kahalagahan ng mas matibay na pagtutulungan ng mga kasaping bansa laban sa mga sindikatong gumagamit ng makabagong teknolohiya sa kanilang mga ilegal na operasyon.
Ang AMMTC ang pangunahing policy-making body ng ASEAN na tumututok sa pagbuo at pagpapalakas ng mga estratehiya laban sa iba’t ibang uri ng transnational crimes.
Kabilang sa mga pangunahing usaping tinatalakay sa pagpupulong ang human trafficking, cybercrime, illegal drug trafficking, money laundering at smuggling ng mga armas sa Southeast Asia.
Tinalakay rin ng mga kinatawan ng ASEAN member states, kasama ang mga partner country gaya ng China, Japan at South Korea, ang pagpapalakas ng sama-samang pagtugon sa mga sumusunod na banta:
Human trafficking — pagpapalakas sa proteksyon sa mga biktima at pagtugis sa mga sindikato ng ilegal na recruitment at trafficking.
Cybercrime — pagpapalawak ng kooperasyon laban sa online scams, cyber attacks at mga krimeng gumagamit ng artificial intelligence (AI), kabilang ang online sexual abuse and exploitation of children.
Drug trafficking — pagpigil sa mga cross-border operation ng mga sindikato ng ilegal na droga.
Money laundering — pagtugis sa mga ilegal na daloy ng pera na may kaugnayan sa iba pang transnational crimes, kabilang ang mga scam hub at ilegal na operasyon.
Illicit arms smuggling — pagpapalakas ng mga hakbang upang pigilan ang pagpupuslit ng mga baril at armas na nagdudulot ng karahasan sa rehiyon.
“As criminal networks adapt to new technologies and changing regional realities, ASEAN’s response must continue to evolve,” pahayag ni Remulla sa ministerial discussions.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang sama-samang pagtugon ng ASEAN sa mga krimeng tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa.
Ayon sa DILG, nagbibigay ang pagpupulong ng pagkakataon sa mga kasaping bansa na magpalitan ng pananaw, palakasin ang koordinasyon at bumuo ng magkakatulad na estratehiya laban sa mga bagong hamon sa seguridad.
Layunin nitong suportahan ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa rehiyon.
(JESSE RUIZ)
123 