PAGMUMULTAHIN ng isang libong piso (P1,000) o kaya community service ang mga taong hindi magsusuot ng face mask at hindi susunod sa social distancing.
Ito ang nakapaloob na parusa sa House Bill (HB) 6623 o “New Normal for the Workplace and Public Spaces Act” na inakda ng mga lider ng mababang kapulungan ng Kongreso bilang bahagi ng paglaban sa coronavirus disease 2019.
Base sa nasabing panukala, mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask sa loob ng susunod na tatlong taon maliban lamang kung ideklara ng Pangulo na ligtas na ang lahat sa COVID-19 nang mas maaga.
Bukod sa pagsusuot ng face mask, seryosong ipatutupad din ang social distancing sa mga opisina, trabaho, pampublikong lugar, transportasyon upang masiguro na hindi magkahawaan ng virus.
“This bill will prepare and educate the Filipino public for life after the lifting of COVID-19 restrictions and to adapt to the new norms of physical distancing. It institutionalizes a new way of life after the enhanced community quarantine and serves as a guide to the public,” ayon sa panukala.
Oobligahin din ang lahat ng employers ang regular na pagsusuri sa temperature ng kanilang mga empleyado at huwag papasukin ang mga manggagawa na nagpapakita ng sintomas ng covid-19 tulad ng mataas ng lagnat, inuubo at iba pa.
Inaatasan din ang mga employers na agad na ireport sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang kanilang mga empleyado na nagpapakita ng sintomas ng covid-19, maglagay ng mga saniters sa kanilang opisina, pagawaan, malls, groceries, bangko at iba pa.
Ang sinumang sasablay dito ay maaaring mahaharap sa parusang dalawang buwang pagkakakulong, multa mula P1,000 hanggang P50,000 depende sa bigat ang kanilang pagsuway sa batas at kung ilang ulit nila itong ginawa. BERNARD TAGUINOD
200 