AABOT sa P10.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) gamit ang kanilang ‘working dogs’ sa isang airline company sa Zamboanga City at Tawi-Tawi kahapon.
Isang plastic bag na idineklarang may lamang “Chinese tea” ang isinailalim sa pagsusuri ng PCG K9 Field Operating Unit BARMM sa Tawi-Tawi gamit ang kanilang Coast Guard Working Dog (CGWD) na si James na siyang nagkumpirma na may lamang iligal na droga ang bagahe.
Nadiskubre ang nasa isang kilong hinihinalang shabu na may halagang P6.8 milyon. Dinakip naman ang mga suspek na sina Nurhamin Nurussin at Husna Nurussin.
Nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nitong Martes lamang, isang pakete rin na ipinadala naman ng isang Farhana Maddih mula sa Maluso, Basilan at tatanggapin dapat ng isang Dayana Ismael mula sa Quezon City ang nasabat ng PCG sa isang airline company sa Zamboanga City.
Isinailalim ito sa pagsusuri at ginamit si Coast Guard Working Dog (CGWD) Bunny na inupuan ang naturang pakete.
Nang buksan, dito nadiskubre ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P3.4 milyon. Ipinasa na ang iligal na droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region IX para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon. (RENE CRISOSTOMO)
326 