VALIDITY NG PWD IDs, GAGAWING LIFETIME

GAGAWIN nang habambuhay o lifetime validity ang identification cards ng persons with disabilities (PWDs) upang hindi sila mahirapan sa pagkuha nito kada tatlong taon, ayon sa panukala ni  Senador Manuel “Lito” Lapid.

Sa pahayag, sinabi ni Lapid na layunin ng Senate Bill No. 1795 na ibsan ang paghihirap sa pag-renew ng bagong IDs kada tatlong taon sa mga PWD.

“The current set-up requires the renewal of PWD ID’s to re-evaluate the entitlement of the ID holder to the benefits pertaining to his/her status as person with disability. This is also to ensure that the information contained therein reflects the holder’s current disability status,” ayon kay Lapid.

Pero, naniniwala si Lapid na hindi umaangkop ang re-evaluation na ito sa PWD na mayroon permanenteng kapansanan tulad ng pre-existing birth defects,  bulag o bingi, pilay o naputol ang isang
bahagi ng katawan.

Aniya, masyado nang kalabisan, pahirap at pagsasayang ng government resources ang pag-renew ng ID kada tatlong taon sa mga taong may permanenteng kapansanan.

“Marapat lamang na bigyan ng mas malawak na pang-unawa at konsiderasyon ang mga kababayan nating may kapansanan. Kaya dapat lang na tulungan natin silang mapagaan ang ilang gawain gaya na lamang ng pagkakaroon ng PWD ID para masigurong meron silang sapat na benepisyo at pribilehiyo,” ayon kay Lapid.

Sinabi ni Lapid na mapagagaan ang pamumuhay ng PWDs na may permanenteng kapansanan sa lifetime validity ng kanilang PWD ID mula sa maabalang pabalik-balik sa tanggapan kada tatlong taon, paglagda sa renewal form, pagpila at pagbabayad ng bayarin, pero wala naman nagbago sa kanilang kapansanan.

Nakatakda nitong amendahan ang RA 7277 o mas kilala bilang “Magna Carta for Disabled Persons”upang maging lifetime ang validity ng PWD IDs. (ESTONG REYES)

346

Related posts

Leave a Comment