BISTADOR ni RUDY SIM
HABANG nakatutok ang buong sambayanan sa giyera ng pamahalaan laban sa POGO ay tila nakalimutan ng ating magigiting na mga senador na pansinin kung bakit tuloy-tuloy pa rin ang pagdami ng Chinese nationals sa ating bansa. Naturalmente pagdating sa ganitong issue, tanging ang dalawang pangunahing airports lang sa ating bansa, ang NAIA Terminals 1 & 3, ang tunay lang na eksperto sa ganitong modus. Kung totoo nga na naglunsad ng reshuffle of top management sa airport ay pansamantala lang na nahinto ang paratingan ng mga singkit galing China at matapos lang ang 2 linggo ng pananahimik ay mapupula na naman ang hasang ng mga tulisan diyan sa NAIA.
Kailan lang ay nagtalaga ng bagong protégé ang pamunuan ng BI na itago na lang natin sa alyas na “Bryan”, ang tila rumaket-ship na nagpasikat. Matapos daw itong pagkatiwalaan na biyayaan ng superpower sa airport, si alyas “Bryan” ay kaagad na nagpasiklab. Memo rito, memo roon. Hugot dito, hugot doon ng mga pasahero ang ginawa nitong accomplishment upang mabigyang hustisya ang tiwalang ipinagkaloob ng kanyang amo. Ngunit para sa mga beterano at beterana na sa airport, alam na alam nila ang dark side nitong si “Bryan” na matapos itong magarahe ng halos 4 na taon dahil sa naging kaso nito, ay pinalad na makabalik sa pwesto dahil na rin sa impluwensya ng kanyang pamilya.
Marami na sana ang bumilib mula nang nagdeklara ito ng “all-out war” sa mga tulisan diyan sa NAIA ngunit sa kabilang banda, front lang pala ni alyas “Bryan” o pakitang tao lang ang panibagong buhay. Sapagkat sa likod ng kanyang pagpapanggap ay meron pala itong itinatag na secret army ng mga notorious na tulisan sa airport, na silang gagawa ng dirty jobs na pangkabuhayan.
Paano nga bang hindi manahimik itong mga senador sa isyu ng paglobo ng Chinese sa bansa kung isa sa mga ito ay kasabwat ng isang alias “Madam” na CEO ng isang malaking travel agency na kilalang nagpaparating ng mga Tsekwa sa bansa hanggang ngayon.
Habang patuloy ang happy days ng mga kumag na opisyales sa airport, maging itong si alyas “DingDong”, ang Team Bryan naman ay abala sa pagkolekta sa mga tara galing sa paparating na mga Tsekwa at Vietnamese bukod sa kanilang expertise na arrival ng nagkikintabang mga kambing!
Sa kada araw sa NAIA ay mayroong tatlong shifting ang Immigration Officers na tinatawag nilang “Sunriser” na pang-umaga, “Midflight” sa tanghali at “Graveyard” naman sa kinagabihan. Sa bawat team ay mayroong player na ititimbre sa counter ang mga pangalan ng paparating na Chinese na kinokotongan ng P20K kada ulo. Upang maiwasan ang nangyari noon na pagkanta ng whistleblower na si Allison Chiong, ay iniiwasan na nilang magkabukulan at patas ang hatian.
Umaabot umano ang kita sa umaga sa P800K, sa tanghali naman ay medyo mababa lamang na hanggang P500K, at ang pinakamalaki ay kinagabihan dahil wala nang gaanong bantay na umaabot sa halagang P3-M. Ito umano ay kanilang iniipon at ang “katsak” o perang naipon na galing sa parating na mga Chinese at Vietnamese na mga pasahero ni Madam, ay pinaghahatian ng mga IO kada Lunes at pinakamababa umanong share ng bawat isa ay P40K kada linggo. Easy money, ano po?! Ganyan karumi ang ating airport ngayon kaya’t ganoon na lamang kaliit ang tingin sa atin ng China.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
