KORUPSYON SA BIRTH CERTIFICATE

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SA ating bansa milyon-milyon ang mga kababayan na walang birth certificate dahil hindi sila naiparehistro ng kanilang mga magulang sa kanilang civil registrar mula nang ipanganak sila dahil sa kanilang kahirapan.

Sa pagtataya ng Philippine Statistic Authority (PSA), aabot sa 3.7 million Pilipino ang hindi nairehistro kaya wala silang birth certificate kaya maituturing silang mga stateless sa sariling bayan.

Mas masuwerte sa kanila ang Chinese nationals na hindi nahihirapang magkaroon ng birth certificate sa pamamagitan ng late registration at walang matinong Pinoy na mag-iisip na walang lagay o korupsyon sa pagkakaroon nila ng ganitong dokumento.

Kung totoo ang balita sa Senado na aabot sa P300,000 ang lagay para magkaroon ng birth certificate, Philippine passport at iba pang dokumento, kailangang lang ng isang Chinese national na magluwal ng 37,500 Yuan.

Baryang-barya ito sa mga miyembro ng Chinese syndicate na sangkot sa ilegal na pasugalan, money laundering activities at illegal na droga at iba pang criminal activities na dito nila ginagawa dahil kung sa China nila ito gagawin, bitay ang aabutin nila.

Ang nakalulungkot lang, mismong ang government officials at mga empleyado na ang kasabwat ng mga dayuhang ito para magkaroon sila ng legal na dokumento kapalit ng malaking halaga.

Kaya kung ano mang kriminalidad na gagawin ng Chinese nationals na ito sa ating bansa ay parang binasbasan na rin ng mga ugok sa mga ahensya ng mga dokumentong hawak ng mga dayuhang ito.

Ang masakit, dahil sa pera ay inilalagay ng mga ugok na ito ang ating bansa sa panganib dahil malamang, hindi lang mga miyembro ng sindikato ang nabigyan ng birth certificate at nagkaroon ng Philippine passport kundi ang mga sundalo ng China na malaki ang interes sa ating mga teritoryo.

Hindi man lang nag-isip ang mga ito na bigyan at aprubahan ang late registration ng birth certificate ng isang taong hindi naman mukhang Pinoy at hindi marunong magtagalog at kung magtagalog man ay barok samantalang ang mga tunay na Pilipino ay hindi nila mairehistro man lang? Hindi man lang nag-iimbestiga samantalang kapag Pinoy, ang daming dokumentong hinihingi para sila ay mairehistro?

Palagay ko, hindi lang sa Davao del Sur nangyayari ang late registration ng birth certificate ng Chinese nationals kaya dapat balikan ang record ng PSA at alamin kung saan-saan nagparehistro ang mga dayuhang ito.

Malaki ang posibilidad na maraming Chinese nationals ang matagal nang nakakuha ng birth certificate dahil kahit saang lugar ngayon sa bansa ay makakikita ka ng mga singkit, nagnenegosyo pero hindi marunong magtagalog.

Hindi sa racist tayo pero dapat nating proteksyunan ang ating bansa at matuto sa karanasan ng ating mga ninuno bago ang World War II nang tanggapin nang buong puso ang Japanese nationals sa Pilipinas pero sila pala ay advance forces para sa planong pagsakop ng Japan sa ating bansa.

 

212

Related posts

Leave a Comment