P4P KONTRA KONSYUMER AT KONTRA PROGRESO

BISTADOR RUDY SIM

KAILANGAN nating ilabas ang katotohanan tungkol sa Power 4 People (P4P) coalition at ang dahilan kung bakit sila mismo ang magdudulot ng problema sa ating mga konsyumer.

Katulad ng sinabi ko sa nakaraang kolum, nangunguna ang P4P sa pagkontra sa pagkakaroon ng karagdagang suplay ng kuryente sa Pilipinas at paborito nga nilang banatan ang Meralco.

Tila ang gusto ng grupong ito ay matulad ang Meralco sa ibang problemadong distribyutor ng kuryente sa bansa, na hindi kayang suportahan ang pangangailangan ng mga konsyumer.

Todo kontra itong Power 4 Pundido sa mga bidding na magsisiguro ng mababang presyo ng kuryente, at pilit nilang inilalaban na dapat renewable energy lang ang gamitin sa bansa.

Dapat kasi masampolan ‘yang P4P na ‘yan. Subukan nilang huwag kumuha ng kuryente at gumamit na lang ng renewable energy, tingnan natin kung magawa pa niyan mag-ingay.

Kung totoong interes ng konsyumer ang ipinaglalaban nila, sila dapat ang nangungunang magsusulong na solusyunan ang problema sa suplay ng kuryente. Kung kaya naman ng renewable energy, bakit hindi?

Pero hindi pa nga kaya, hindi ba? Kasi kung kaya naman talagang lahat ng kuryente natin ay manggaling sa solar at wind, aba eh bakit magpapatumpik-tumpik pa tayo. Lahat tayo eh mag-renewable na! Wala namang problema basta mura at sapat!

Ang gusto ng P4P ay umasa tayo sa hindi maaasahan, parang sila na puro satsat at nagbubulag-bulagan sa katotohanan.

Ayaw ng P4P na magkaroon ng progreso sa bansa at sapat na suplay para magtuluy-tuloy ang paglago ng ekonomiya. Kaya nga Power 4 Pundido! Gusto nila ng pundidong Pilipinas!

Kung totoong adbokasiya para sa clean energy ang gusto nila, kailangan nilang mamuno sa pagsiguro na magiging maayos ang transition papunta dito dahil ito naman talaga ang layunin ng pamahalaan at pribadong sektor.

Hindi totoong hindi sila pinakikinggan! Hindi sila marunong makiisa at ang gusto nila ay manggulo at sumunod ang lahat sa gusto nila kahit hindi makabubuti sa mga konsyumer at sa bansa!

Walang katuturan ang ingay nila dahil wala naman talaga silang malinaw na solusyon sa problema ng mga konsyumer.

Wala na silang ginawa kundi manggulo, at magpakalat ng maling impormasyon. At tayo namang mga kaawa-awang konsyumer, litong-lito na nga, hindi pa masiguro kung talaga bang may lumalaban para sa atin.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

260

Related posts

Leave a Comment