SORRY ‘DI KAILANGAN SA PAGTATAKDA NG HANGGANAN, SIKAT MAN O HINDI

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAHALAGANG malaman natin ang kahalagahan ng respeto at pagkapribado.

Umaasa ang miyembro ng BINI na si Aiah Arceta, na igagalang ng mga tao ang kanilang personal space, matapos ang isang insidente sa Cebu kamakailan sa break ng grupo pagkatapos ng kanilang “BINIverse” concert.

Gayunpaman, nag-viral sa social media ang isang video kung saan mukhang napakalapit ng isang lalaki kay Arceta habang naglalakad ito sa isang bar kasama ang kanyang mga kaibigan.

Nangyari rin umano ito sa isa pang miyembro ng BINI na si Maloi Ricalde na dinagsa ng fans na gustong magpakuha ng litrato habang kasama niya ang kanyang pamilya sa isang restaurant sa Batangas.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Aiah na wala siyang laban sa pagkuha ng mga larawan kasama ang ibang tao at nasisiyahan din siyang makilala ang mga umiidolo sa kanila. Hinihiling niya lang na sana ay makita at igalang din sila ng mga tao bilang tao. Hindi sila laging nakalalabas kamakailan dahil abala sila sa trabaho, at ang pinakamaliit na mahihiling nila ay igalang ng iba ang kanilang personal na oras at sangkatauhan.

Katatapos lang ng concert ng grupong BINI sa New Front Theater at Baguio. Nauunawaan ko na minsan lang tayo makakita ng artista sa tanang buhay natin, kaya may iba na sinusulit na. Kumbaga, gustong makita nang malapitan at magpa-picture ngunit dahil lang public figure sila, hindi ibig sabihin noon na pag-aari na natin sila. Sila ay mga tao rin. Kailangan din nilang magpahinga at maglaan ng oras para sa kanilang sarili at pamilya.

Ang paghingi ng privacy at paggalang ay isang basehan ng pagiging disente ng isang tao, na dapat itaguyod nang hindi na kailangang ulitin. Ito ay dapat ibinibigay nang awtomatiko. Anoman ang antas ng katanyagan o tagumpay ng isang tao, ang bawat indibidwal ay nararapat na tratuhin nang may dignidad at konsiderasyon.

Ang pagiging public figure ay hindi nangangahulugang 24/7 public accessibility at fan service.

Ang bawat isa ay nangangailangan ng kanilang sariling personal na espasyo, kahit na sa publiko. Halimbawa, kapag nag-iisa ka sa isang cafe, umiinom ng masarap na mainit na kape, hindi mo nais na may ibang makisali sa iyong oras. Gusto mong tumuon sa lasa ng kape, at ang pagtitig ng iba ay lilikha lamang ng distraksyon. Hindi mo gustong makita ng mga tao ang iyong ekspresyon pagkatapos matikman ang kape dahil hindi ito katulad ng mga palabas sa tv. O kaya kapag nakikipag-usap ka sa isang tao, gusto mong panatilihing pribado ang inyong pag-uusap at hindi ito sinadya upang marinig ng sinoman. Dahil may mga bagay na hindi na dapat ipakita sa ibang tao.

Tandaan na ang pagsalakay sa personal na espasyo ng isang tao, sikat man sila o hindi, ay hindi kailanman tama.

193

Related posts

Leave a Comment