UMABOT sa pananakit ang sesyon ng Sangguniang Bayan ng Goa, Camarines Sur matapos umanong suntukin ni Association of Barangay Councils (ABC) President Manuel Asor si Councilor Atty. Andy Rivero, 55, habang naghahanda ito sa paghahatid ng kanyang privilege speech noong Nobyembre 3.
Ayon sa pulisya, tatlong beses umanong sinuntok ni Asor sa likod ng ulo at isang beses sa pisngi ang konsehal bago minura at pagbantaan.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang insidente.
May kaugnayan umano ang pananakit sa privilege speech ni Rivero na tumatalakay sa pagbibigay ng special permit para sa operasyon ng sabong sa bayan.
Itinanggi naman ng konsehal na siya ang nagpasimula ng komprontasyon at inihayag ang planong pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ABC president.
Patuloy ang paghahanap ng pulisya kay Asor, na wala pang inilalabas na opisyal na pahayag kaugnay ng insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
11 