NANINIWALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na may kinalaman sa katiwalian sa National Irrigation Administration (NIA) ang pagpaslang sa dating empleyado nitong si Niruh Kyle Antatico, 40-anyos, na binaril ng motorcycle-riding gunmen sa Cagayan de Oro City noong Biyernes, Oktubre 10.
“Taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Kyle Antatico, isang matapang na boses laban sa korapsyon,” pahayag ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Food and Agriculture. “Bawat araw na walang nananagot, lalong nawawalan ng tiwala ang taumbayan sa pamahalaan.”
Ayon sa senador, hindi dapat manahimik ang mga otoridad sa harap ng ganitong karahasan.
“Ninanakawan na ang taumbayan, papatayin pa? Lalo tayong ginagalit ng sinumang may pakana sa pagpatay kay Kyle. Magpupursige tayo sa paglantad at pagpigil ng mga anomalya sa NIA at sa pondong nakalaan para sa mga magsasaka,” dagdag ni Pangilinan.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng Nissan sedan si Antatico nang tambangan ng dalawang lalaki sa motorsiklo sa Zone 1, Crossing Patag, dakong alas-7 ng gabi. Pinaulanan siya ng bala ng back rider, dahilan para mawalan siya ng kontrol at bumangga sa isang trak. Dinala pa sa J.R. Borja General Hospital ngunit dead on arrival.
Kilala si Antatico, isang Juris Doctor graduate at dating senior legal researcher ng NIA–Region 10, sa pagbubunyag ng umano’y iregularidad at katiwalian sa ahensiya.
Kinondena rin ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ang krimen at nanawagan ng mabilis na imbestigasyon. Patuloy na nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya para mahuli ang mga salarin.
(JESSE KABEL)
73
