3 PEKENG MTPB PERSONNEL ARESTADO

ARESTADO ang tatlong nagpanggap na mga personnel ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa aktong nanghihingi ng karagdagang parking fee na mas mataas sa ipinatutupad ng Lungsod ng Maynila, sa harapan ng Rizal Memorial Stadium sa kahabaan ng Adriatico St., Brgy. 720, Zone, 78, Malate, Manila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority or Official Functions) sa ilalim ng Revised Penal Code, ang naarestong mga suspek na sina Roel Grayda, 37; Emerson Adonis, 26, at Jervin Cordial, 23-anyos.

Ayon sa ulat ni PMSG Oscar Vargas Jr., imbestigador ng Special Mayors Reaction Team (S.Ma.R.T), inaresto ang mga suspek base sa reklamo na natanggap nila mula sa Bilis Kilos Action Center-Citizens Complaint Hotline City Development Information Service (CDIS), hinggil sa nagpakilalang personnel ng MTPB at humihingi ng dagdag bayad sa parking ng sasakyan na mas mataas sa ipinatutupad ng LGU. Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng S.Ma.R.T kung saan nagkunwaring ipinarada ang kanilang sasakyan sa nasabing lugar at sinita ng mga suspek at hiningan ng mas mataas na parking fee. Dahil dito, nagpakilala ang mga operatiba at hiningi ang kanilang identification at nang walang maipakita ay inaresto ang mga ito. bandang alas-7:00 ng umaga.

(JOCELYN DOMENDEN)

94

Related posts

Leave a Comment