MARK VILLAR TUMALON NA SA SENATE MAJORITY BLOC

TULUYAN nang naging miyembro ng Senate Majority Bloc si Senador Mark Villar matapos mahalal bilang bagong chairman ng Senate Committee on Public Works.

Kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang paglipat ni Villar sa majority bloc matapos itong mahalal bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.

Bukod dito, inihalal din si Villar bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) mula sa hanay ng Senate Majority, kapalit ni Zubiri.

Ayon kay Sotto, makatutulong ang paglipat ni Villar sa kanilang hanay lalo na sa dami ng trabahong kinakaharap ng Senado.

“Apparently we’re glad because we’re all loaded with work eh. Because of the 3-in-1 parang kape: impeachment, legislation, and budget. Maganda kung madadagdagan ang aming mga kasama para makatulong,” ani Sotto.

Unang umugong ang posibilidad ng paglipat ni Villar sa majority bloc nang bumoto ito pabor sa pagbabago ng ruling sa voting threshold sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte noong Setyembre 23.

Dahil sa paglipat ni Villar, umaabot na sa 14 ang miyembro ng Senate Majority Bloc, habang 10 naman ang nasa Minority Bloc, kabilang ang apat na senador na kasalukuyang hindi pumapasok sa Senado.

Samantala, inihayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa unang bahagi ng sesyon na papalitan na niya si Senador Loren Legarda bilang miyembro ng Commission on Appointments.

(DANG SAMSON-GARCIA)

79

Related posts

Leave a Comment