MUNTIK nang masapol ang isang 3-anyos na paslit ng isang dumaraang tricycle sa national road sa Barangay Calit-Calit, San Juan, Batangas noong Martes ng umaga.
Base sa kuha ng CCTV, dakong alas 9: 28 ng umaga, nakitang nakalabas ang paslit mula sa kanilang compound at tumakbo patungo sa gitna ng highway.
Sakto namang paparating ang isang tricycle at isang ten-wheeler truck.
Agad naman itong hinabol ng isang naka-duty sa katabing barangay hall na isang babaeng miyembro ng Lupong Tagapamayapa.
Nakabig naman kaagad ng driver ng tricycle ang manibela at naiwasan ang dalawa at hindi nasaktan sa insidente.
Tuluyang napahinto na rin ang tricycle na nabigla rin sa pangyayari.
Ayon sa nanay ng bata, nalingat lamang siya saglit dahil sa kanyang ginagawa at hindi napansin na nakalabas ang bata.
Laking pasasalamat naman ng magulang ng bata dahil sa pagkaligtas nito sa napipinto sanang kapahamakan.
(NILOU DEL CARMEN)
63 