NABIDYUHAN ang isang aso habang kinakaladkad ng tricycle sa kalsada sa Bauan-San Pascual Road sa Batangas noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa video uploader na si Angel Luzon, aksidente nilang nasundan ng kanyang kasama sa motorsiklo ang tricycle at agad nilang sinubukang sitahin ang driver nang mapansin ang asong nakaladkad sa kalsada.
Hindi umano nila malinaw na nakita ang plaka at buong itsura ng driver, pero sinundan nila ang tricycle mula sa tapat ng isang fastfood restaurant sa Bauan hanggang sa tapat ng isang supermarket.
Sa kanyang Facebook post, nanawagan si Luzon na huwag saktan ang mga hayop at humanap na lamang ng ibang paraan kung ayaw nang alagaan ang mga ito.
Ayon sa post nito: “Kung ayaw n’yo sa aso, ‘wag n’yo maltratuhin. Kung may nagawa silang mali, ‘wag n’yong bugbugin. Pwede n’yong ibigay sa ibang tao ‘yan, kuya.”
Ayon pa kay Luzon, tila alam umano ng mga sakay ng tricycle na buhay ang aso at nakaladkad ito, matapos nilang sitahin ang driver habang patuloy itong bumibiyahe.
“Sinita namin ‘yung driver, pinantayan pa namin sa kalsada pero hindi tumigil. Sinigawan namin na ‘yung aso nakakaladkad, tapos tiningnan lang niya. Ibig sabihin, alam niya, then nag-agree lang po siya,” ayon pa kay Luzon.
Iginiit ng uploader na buhay pa ang aso nang makunan ang video dahil nakita pa umano nilang naiaangat nito ang ulo.
Samantala, para naman kay Jana Sevilla, animal rights advocate at dating Animal Rescue Manager ng PETA Asia, maituturing na animal cruelty ang insidenteng ipinakita sa video at dapat itong imbestigahan.
“Eh siyempre ano po ‘yan, act of cruelty ‘yan. Hindi lang sa aso na itinali sa isang sasakyan at pwersahang patakbuhin hanggang sa makaladkad na. Dapat talagang imbestigahan ito at maparusahan itong driver ng tricycle… So, bigyan naman natin ng proteksyon ang mga hayop.”
Ipinaalala rin ni Sevilla na may batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga hayop at maaaring i-report sa pulisya ang ganitong insidente.
“Pagka ho kayo ay ah naka-witness ng ganitong cruelty, mayroon ho kayong karapatan na isumbong ito sa pulis para aksyonan agad ng pulis. Dahil itong batas na ito ay, it’s a national law… Sakop ng batas na ito ang buong Pilipinas, so kahit nasaan ka sa buong Pilipinas, bawal ang manakit, magmaltrato, pumatay, o mag-abuso ng mga hayop,” ayon kay Sevilla.
Samantala, nananawagan ang uploader sa mga kinauukulan, animal welfare groups at animal protection organizations na imbestigahan ang insidente, habang hinihintay ang anomang opisyal na aksyon kaugnay ng insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
73 