PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA gitna ng mga usap-usapang papalitan ni Dave Gomez si Jay Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO), isang tanong ang dapat itanong ng sambayanan: Ito ba’y hakbang pasulong, o batong ipupukpok sa sariling ulo ng Malacañang?
Kung totoo ang balitang si Gomez—isang matagal nang tagapagsalita at opisyal ng higanteng kompanyang Philip Morris/PMFTC, ay itatalaga sa isang sensitibong posisyon ng gobyerno, tiyak na papalag ang health advocates.
Hindi simpleng usapin ito ng karanasan o husay sa komunikasyon. Ang isyu rito ay interes at ang mga interes na kinakatawan ni Gomez ay malinaw na salungat sa adhikain ng gobyerno para sa kalusugan.
Hindi maitatangging multi-bilyon ang kita ng industriya ng sigarilyo. At gaya ng ibang ganansyang nakataya, may mga lobbyist at strategist itong handang gawin ang lahat upang mapanatili ang kita kahit pa kapalit nito ang buhay at kalusugan ng mamamayan. Si Gomez, bilang dating pangunahing tagapagsalita ng PMFTC, ay hindi maihihiwalay sa industriyang ito.
Bilang isang dating tagapagtaguyod ng “smoke-free alternatives” tulad ng heated tobacco at vaping, hayag ang pagtutulak ni Gomez ng mga produktong itinuturing pa ring mapanganib ng maraming eksperto sa kalusugan.
Ang mga retorikang ginagamit niya ay tumutugma sa linya ng mga tobacco lobbyist—”harm reduction,” “consumer choice,” at “modern alternatives”, lahat ng ito ay mukhang maganda sa papel, ngunit may malalim na implikasyon sa patakaran ng gobyerno.
Hindi rin malilimutan ang ulat ng The Examination, na ibinunyag ang nakababahalang papel ng ilang opisyal ng Pilipinas sa pulong ng WHO Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) sa Panama. Sa halip na isulong ang interes ng mamamayan, ang ilang delegado ay naging tagapagtanggol pa ng industriya ng tabako, na ikinahiya mismo ni Senadora Pia Cayetano.
Kung itatalaga si Gomez sa PCO, malinaw ang mensahe: mas mahalaga sa administrasyon ang imahe at interes ng industriya kaysa tunay na kapakanan ng mamamayan. Isa itong textbook case ng regulatory capture, kung saan ang dating tao ng industriya ay nabibigyan ng kapangyarihan upang pigilin, baluktutin, o impluwensyahan ang mga patakarang dapat sana’y para sa tao.
At sa usapin ng kakayahan, tanong din kung makasasabay ba si Gomez sa modernong hamon ng public engagement. Mahigit dalawang dekada na siyang wala sa aktwal na midya, at maaaring hindi na siya angkop sa panahon ng social media virality, disinformation warfare, at real-time crisis response.
Ang appointment ni Gomez, kung mangyayari man, ay hindi lamang maling signal, isa itong matinding panganib.
Sa panahong dapat ay mas pinaigting ang kampanya laban sa paninigarilyo at vape use lalo na sa kabataan, isang dating tagapagsilbi ng Big Tobacco ang uupo sa trono ng komunikasyon? Isa itong insulto sa mga doktor, guro, magulang, at tagapagtaguyod ng buhay na dekada nang lumalaban para sa mas malusog na lipunan.
Kung nais ng Malacañang na buwagin ang tiwala ng publiko, ito ang pinakamabilis na paraan. Isa itong batong ipupukpok sa sarili nilang ulo at ang masa ang magdurusa sa dagok.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email operarioj45@gmail.com
