Pagtiyak ng DILG, PNP HUMAN TRAFFICKING, KIDNAPPING RERESOLBAHIN

TINIYAK ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na matutuldukan ang mga kaso ng pagdukot at human trafficking sa bansa.

Kasunod ito ng pagkakaaresto kahapon ng PNP Anti-Kidnapping Group sa suspek sa pagdukot sa 43 Chinese nationals na umano’y biktima ng human trafficking.

Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, matutunton din nila ang mga dayuhang suspek na nasa likod ng naturang mga krimen.

Tiwala si SILG Abalos na mahuhuli nila ang iba pang kasabwat ng nahuling suspek na si Chen Yi Bien, alyas Ayi, human resource officer ng Lucky South 99.

Inihayag din ng kalihim na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang koordinasyon ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) kasama rin ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa layuning bumalangkas ng sistema na susupil sa criminal activities ng ilang dayuhan na karamihan ay Chinese nationals.

Samantala, inako naman ni PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief General Jonnel Estomo ang responsibilidad sa mga napapaulat na kaso ng pagdukot sa Metro Manila.

Sa imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs kaugnay sa serye ng kidnapping cases sa maraming lugar sa bansa, sinabi ni Gen. Estomo na tinatanggap niya ang responsibilidad sa mga nangyayaring krimen partikular na ang mga kaso ng pagdukot sa ilang siyudad sa National Capital Region (NCR).

Tiniyak din ng heneral na walang dapat ipag-alala ang publiko dahil pinaigting pa ng NCRPO ang police visibility bilang pangontra sa mga krimen.

Nilinaw rin ng heneral na ang ilang videos na kumakalat sa social media ay ilang buwan nang nangyari at ilan din ay hindi kidnapping tulad ng robbery-holdup sa Skyway sa isang Malaysian National kamakailan. (JESSE KABEL)

153

Related posts

Leave a Comment