PAMBANSANG ARAW NG AYUDA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Oktubre 30 ng bawat taon bilang “National Day of Charity” sa pamamagitan ng Proclamation No. 598.

Inutusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na pamunuan, mag-coordinate at pangasiwaan ang pagdiriwang ng ‘National Day of Charity,” at tukuyin ang mga programa, aktibidad at proyekto para sa pagdiriwang.

Ang lahat ng ahensya ng gobyerno, financial institutions at state universities at colleges ay inaatasan at hinihikayat na lumahok sa pagdiriwang ng ‘National Day of Charity’.

Tatak ba talaga ng Pangulo ang mapagkawanggawa?

Ginawa nang pambansang araw ang nakagawiang pamumudmod ng ayuda.

Siguro, mas tugma at lapat kung ang deklarasyon ay ginawang Pambansang Araw ng Ayuda. Saka, ‘bat pa may pambansang araw ng caridad eh araw-araw atang namumutiktik ang bigay sa mga bukas-palad.

Teka, pasisiglahin daw nito ang buhay ng mga Pilipino sa Bagong Pilipinas. Nangako na naman ang administrasyong Marcos na itaguyod ang magandang buhay ng mga Pinoy.

“Bagong Pilipinas” kasi tema ng tatak ng pamamahala at liderato ng administrasyong Marcos. Nananawagan ng malalim at pangunahing pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at gobyerno para bigyang-diin ang pagdamay, pagkakaisa at responsibilidad sa lipunan ng mga Pilipino.

Ayan, may pambansang araw na ang charity.

Ano kaya ang susunod na mga deklarasyon? National Day of Bigas 20?

Hindi pala dahil Bigas 29’ program ang inilunsad sa Metro Manila at mga karatig-probinsya na layon daw magbenta ng mas murang bigas sa maraming Pilipino.

Kaso nga lang, palumang stock ng bigas ang ibebenta.

Giit ng gobyerno, ligtas itong kainin.

Siniguro ng NFA na ang palumang stock ng bigas na ibebenta ng P29 kada kilo ay maganda ang kalidad at dumaan sa pagsusuri.

Paluma pero mura? Pwede na ‘yan. Hindi na ata mawawala ang mindset na pwede na ‘yan o puwede pa ‘yan.

Ganyan na talaga ang mindset kaya tinatanggap na lang ang kahit hindi akma sa nararapat.

Paluma na pero pili pa rin ang pagbebentahan.

Ang ‘Bigas 29,’ ay limitado lang sa bulnerableng sektor gaya ng mga benepisyaryo ng conditional cash transfer program, persons with disabilities, senior citizens at solo parents.

Nasa 6.9 million pamilya o tinatayang 34 milyong indibidwal ang mabebenepisyuhan nito, ayon sa naunang sinabi ng Department of Agriculture.

Hayan, may Bigas 29 na, kahit pa luma na.

Luma na rin kasi ang pangakong bigas 20.

120

Related posts

Leave a Comment