THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
LAMAN ng balita nitong nakaraang linggo ang pagbitiw sa pwesto ni VP Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) kaya napakaraming maugong na mga usapin tungkol dito kasabay ng tumitinding tensyon sa pulitika.
Kaya nga hindi talaga maiaaalis na mahaluan ng ganitong isyu ang iba’t-ibang sektor ng lipunan lalo na’t ang mga personalidad na may awtoridad o responsibilidad sa mga ito ay kalimitan, may kani-kanila ring isyu.
Pero hindi lang pag-alis ni VP Duterte ang mahalagang pag-usapan dahil napakaraming suliranin sa sektor ng edukasyon na kailangang busisiin at solusyunan.
Nito ring nakaraang linggo, lumabas sa balita ang ulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) na nakakuha ang Pilipinas ng ikalawa sa pinakamababang marka sa creative thinking performance ng 15-taong gulang na mga estudyante.
Ayon sa PISA, mayroong mean score na 14 ang Pilipinas — kapareho ng Uzbekistan, at mas mataas lamang ng isang punto sa Albania na siya namang pinakamababa.
Dagdag pa ng PISA, ang marka ng Pilipinas ay mas mababa pa sa average ng Organisation for Economic Cooperation and Development na nasa 33 puntos.
Ang pinakamataas na mean score sa creative thinking ay nakuha ng Singapore, na sinundan ng South Korea, Canada, Australia, New Zealand, Estonia, Finland, Denmark, Latvia at Belgium.
Matatawag ba nating suliranin ito? Indikasyon kasi ang ulat ng PISA sa kakayahan ng mga estudyante na makabuo ng malikhaing ideya, at suriin at pagbutihin ang mga ideya — mga bagay na napakahalagang aspeto ng edukasyon at paglinang ng mga mag-aaral.
Sa isang hiwalay na ulat, sinabi ng executive director ng Philippine Business for Education na si Justine Raagas na ang mababang marka ng mga estudyanteng Pilipino sa creative thinking ay sintomas ng krisis sa edukasyon sa bansa.
Binanggit rin ni Raagas ang hiwalay na ulat na nagsaad na mahina rin sa pagbasa ang mga 10-taong gulang na estudyante sa bansa.
Kaya nga nakababahalang hindi nalilinang ang mga importanteng kakayahan ng mga mag-aaral na kritikal para sa paghahanap ng solusyon ng mga problema. Kaya sabi ni Raagas, kailangan talagang tiyakin na nakapaloob din sa sistema ng edukasyon sa bansa, ang pagsigurong nahahasa rin ang socio-emotional skills ng mga mag-aaral.
Tama rin ang punto niyang hindi naman kulang sa magagandang plano ang sektor ng edukasyon. Kailangan lang ng maayos at tuluy-tuloy na implementasyon.
Kapag nagbabago kasi ang administrasyon o ang mga namumuno, kagaya na lang nitong pag-alis ni VP Duterte, kadalasan nagbabago rin ang mga prayoridad at programa ng mga ahensya ng pamahalaan.
Napakahalaga ng stability at continuity, dahil dito nakasalalay ang benepisyong makukuha ng mamamayan sa mga programa na kadalasan ay pangmatagalan upang lubos na mapakinabangan.
Bukod pa sa pamahalaan, napakahalaga rin na manatili ang suporta ng iba pang sektor ng lipunan, sa pagsusulong ng magandang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Alam naman natin na maraming Pilipinong mag-aaral ang may kinakaharap na mga pagsubok para makakuha sila ng maayos na edukasyon. Para sa mga mag-aaral sa malalayo at liblib na lugar, ang kawalan ng serbisyo ng kuryente ay isa ring malaking hamon.
Kaya mahalaga rin ang dedikasyong ipinapamalas ng One Meralco Foundation (OMF) para maging bahagi sa pagbigay solusyon sa mga hamon sa edukasyon.
Nakikipagtulungan ang OMF sa DepEd, mga lokal na pamahalaan, at maging sa mga miyembro ng pribadong sektor, upang maisakatuparan ang mga makabuluhang programang pang-edukasyon.
Bahagi ang mga adbokasiyang ito sa hangarin ng Meralco na makibahagi sa pag-unlad ng iba’t ibang pamayanan sa Pilipinas na magkaroon ng pagkakataong malinang ang iba’t ibang kakayahan at makatulong sa pagpapalago ng buhay ng mas marami pang Pilipino.
