(CHRISTIAN DALE)
PANIBAGONG utang ang nakatakdang lagdaan ng Pilipinas ngayong Hulyo.
Ito ay kaugnay sa record-high $1-billion loan agreement ng bansa (mahigit sa ₱57 billion) mula sa World Bank para pondohan ang agricultural transformation program.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nakipagdayalogo na si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel kay World Bank Country Director Zafer Mustafaoğlu noong nakaraang buwan para repasuhin ang progreso ng kasunduan.
Muling pinagtibay ni Mustafaoğlu ang commitment ng bangko na magbigay ng pondo para sa Philippine Sustainable Agricultural Transformation (PSAT) loan program.
Ang dokumentong inilathala sa website ng World Bank ay nagpapahiwatig na ang PSAT ay may pagtataya na gagastos ng $20 billion (mahigit sa P1.1 trillion), kung saan babalikatin ng Philippine government ang $11.895 billion (mahigit sa P683 billion) mula sa $12.8975 billion (mahigit sa P741 billion) operation cost.
Sa $1-billion funding ng World bank, nangangahulugan na magkakaroon ng financing gap na $2.5 million.
Sinabi pa ng Washington-based multilateral lender na noong nakaraang taon, nakatakdang aprubahan ng board ang loan sa Hunyo 5 ngayong taon.
Ang paglagda sa pagitan ng dalawang partido ay nakaplano ngayong Hulyo. Hindi naman nagbigay ng eksaktong petsa ang DA. Sinasabing dapat na sumabay ito sa 4th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa oras na malagdaan, tanda na ito ng unang proyekto ng Pilipinas sa ilalim ng World Bank’s Program-for-Results (PforR) financing framework.
Sa kabilang dako, ang Department of Finance (DOF), ang ahensiya na responsable naman sa financial resources ng gobyerno ay manghihiram sa ngalan ng DA, implementing agency ng gobyerno.
Ang PSAT, na aabot ng limang taon ang operasyon, ay nakatakda namang ilunsad sa Agosto.
