PBBM, ITINUTULAK ANG AI, DIGITAL UPSKILLING PARA SA ‘JOBS OF THE FUTURE’

ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawak ng artificial intelligence (AI) at digital upskilling initiatives bilang bahagi ng pagsisikap na ihanda ang mas maraming Pilipino para sa mga trabaho sa hinaharap at palakasin ang competitiveness ng bansa sa modernong ekonomiya.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kabilang ito sa mahahalagang usaping tinalakay sa ikalimang pagpupulong ng Pangulo kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Education and Jobs Sector Group sa Malacañang nitong Miyerkules.

Sinabi ni Castro na nakatuon ang pulong sa mga hakbang upang mapahusay ang edukasyon, workforce development at job creation sa bansa.

Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng pagpapalawak ng AI at digital upskilling upang magamit ng mga manggagawang Pilipino ang mga bagong teknolohiya sa patuloy na paglawak ng technology-driven economy.

“Iisa lang ang layunin ni Pangulong Marcos Jr. sa ganitong mga hakbang—ihanda ang mas maraming Pilipino sa mga trabahong kakailanganin sa hinaharap, palakasin ang kakayahan ng bansa sa inobasyon at pandaigdigang kompetisyon at lumikha ng mas marami at mas de-kalidad na oportunidad para sa bawat Pilipino,” ayon kay Castro.

Pinag-usapan din sa pulong ang mas malapit na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor at akademya upang matugunan ang jobs-skills mismatch at mas mahusay na maiayon ang mga polisiya at programa sa pangangailangan ng industriya.

Ayon sa PCO, “stronger collaboration among the three sectors is intended to ensure that education and skills development initiatives respond to industry and the modern economy’s requirements.”

Sinabi ng administrasyon na makatutulong ang koordinasyon upang makalikha ng mas marami at de-kalidad na oportunidad para sa mga Pilipino, kasabay ng paghubog sa workforce upang matugunan ang pangangailangan ng labor market.

Samantala, tinalakay rin nina Pangulong Marcos at PSAC ang implementasyon ng Semiconductor and Electronics Industry Roadmap bilang bahagi ng mas malawak na employment at economic development agenda ng pamahalaan.

Saklaw din ng pulong ang mga programa na naglalayong palawakin ang oportunidad sa employment, entrepreneurship at skills development para sa mga Pilipino.

Sinabi ng Malacañang na layunin ng mga inisyatibang ito na palakasin ang kakayahan ng bansa sa inobasyon at global competitiveness habang lumilikha ng mas marami at de-kalidad na oportunidad para sa mga Pilipino.

(CHRISTIAN DALE)

110

Related posts

Leave a Comment