PBBM NABABAON SA DAMI NG PANGAKO SA TAUMBAYAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SINALUBONG ng maugong na palakpakan at standing ovation ang pag-ban sa mga POGO at paggiit ng teritoryo sa West Philippine Sea na sinambit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kamakailan.

Huwag magpadala sa mga palakpak. Ganyan karamihan sa mga politiko, kung sino ang nasa trono ay doon sasamba. Inuugoy ng hangin ng prinsipyo, ayon sa kung sino ang may kapangyarihan at nakaupo sa Palasyo.

Sumang-ayon noon na isabatas at gawing legal ang POGO tapos ngayon ay pumapalakpak kay Marcos Jr. dahil ipinagbawal niya ito.

Heto lumabas din ang ugong sa Batasang Pambansa at inulan ng samu’t saring reaksyon sa social media.

Pero mukhang may positibo ngang dulot ‘yang pag-ban sa POGO, hindi lang para mabawasan ang mga dala nitong krimen kundi maging ang perwisyong text scams.

Pinuna ng mga netizen na matapos iutos ni Marcos Jr. ang pag-ban sa POGO ay nabawasan kundi man natigil na ang mga text spam at scam.

Marami tuloy ang naniniwala na totoo ngang POGO ang may kagagawan ng mga text scam na ‘yan.

Matapos ang SONA ay bidang-bida ang Pangulo sa social media. Marami raw magagandang narinig mula sa kanya. Pero hanggang talak lang mga ‘yan kung hindi tutuparin at isasagawa.

Hindi maituturing na achievement ang mga ‘yan dahil tiyak na mauuwi muli sa pangako. Ang dami na ngang pangako na hindi tinupad ay dinagdagan pa.

Huwag nating isentro ang mga isyu sa POGO at WPS. Ang daming kailangang bigyan ni Marcos ng atensyon tulad ng edukasyon, kalusugan, imprastraktura, kahirapan, agrikultura at iba pang nakalaan sa interes ng publiko at estado ng lipunan.

Ito ang forever na atang pangako ni PBBM, ang tugunan ang mataas na presyo ng bigas at pagkain. Nakikita raw niya ang hirap ng taumbayan.

Pero tinalakay pa lang ng mga kalihim ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kung paano maisasakatuparan ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. kung paano pababain ang presyo ng mga pagkain.

Palalakasin daw ang lokal na produksyon ng palay, pero aasa rin lang naman sa importasyon na may masamang epekto sa lokal na negosyante at magsasaka.

Naniningil na ang mga tao sa kanyang pangako noong kampanya na magiging P20 ang presyo ng bigas sa kanyang pag-upo.

Dapat tuparin na niya ito para matapos na ang pag-aantay ng mga tao. Sa madaling sabi, plano muli.

Walang katiyakan kung mahahatak nga pababa.

Sa sektor ng edukasyon, malaking pagsubok sa bagong kalihim na tiyakin ang pagbangon at pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa bansa sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Marcos, nakasalalay ang kalidad ng edukasyon sa kalidad ng mga guro kaya tiniyak niya na walang gurong magreretiro na entry-level pa rin ang sahod.

Marami pang plano at pangako ang talak ng Pangulo sa kanyang talumpati sa SONA. Huwag sanang mapako lang sa salita ang mga binanggit niya.

Hindi malalasahan ang maganda niyang sinabi hangga’t ang mga ito ay hindi nagiging reyalidad. Mag-abang na lang tayo kung maisasakatuparan ang mga plano at pangako. At kung kailan.

Pero may paalala ang isang mambabatas, hindi “unli” ang pagtitiis ng taumbayan. Nauubos din ang pasensya.

183

Related posts

Leave a Comment