TARGET NI KA REX CAYANONG
SA panahon ngayon, muling ipinakita ng natural na mga kalamidad ang kanilang kapangyarihang maminsala sa ating bansa.
Katatapos lang manalasa ang Bagyong #CarinaPH sa Kamaynilaan, na nagdulot ng malawakang pagbaha at naglantad sa marami sa atin sa panganib ng iba’t ibang sakit.
Dahil dito, nanawagan ngayon si ACT CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo sa Department of Health (DOH) na gawing libre ang mga gamot laban sa leptospirosis at tetanus.
Ayon kay Tulfo, alam naman ng lahat na ang Pilipinas ay madalas tamaan ng bagyo at iba pang natural na mga kalamidad. Sa tuwing dumaraan ang mga ito, hindi lamang ang pinsala at pagkawala ng ari-arian ang kinahaharap ng mga biktima kundi pati na rin ang pangmatagalang mga panganib sa kalusugan, tulad ng leptospirosis at tetanus.
Ang mga sakit na ito ay maaaring makuha mula sa kontaminadong tubig-baha o mula sa mga sugat na dulot ng debris, kaya’t napakalaki ng banta nito sa mga nasalanta ng kalamidad.
Tama si Tulfo sa kanyang obserbasyon na mabilis tumugon ang pamahalaan sa pagbangon ng mga nasalanta, ngunit minsan ay nakaliligtaan ang agarang pangangailangang medikal.
Sa halip na dagdagan pa ng problema kung saan kukunin ang pambili ng gamot, iminumungkahi ni Tulfo na ilibre na ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng PhilHealth. Kung maisasakatuparan ang panukalang ito, tiyak na malaking tulong ito sa mga biktima ng kalamidad, na sa halip na mag-alala pa sa gastusin sa gamot, ay makapagtutuon na lamang ng pansin sa kanilang muling pagbangon.
Samantala, ang pulitika sa Maynila ay muling nagiging tampulan ng atensyon dahil sa balitang posibleng pagbabalik ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa 2025 elections.
Habang patuloy ang usap-usapan sa social media, binibigyan naman ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ng sapat na panahon si Moreno upang pag-isipan ang kanyang mga plano.
Sa kanyang Facebook page, nagbahagi si Moreno ng isang video kung saan nananawagan ang mga tagasuporta sa kanyang pagbabalik.
Sinasabing sa inilagay niyang caption na “Laging may awa ang Diyos,” tila ipinakikita ni Moreno na bukas siya sa posibilidad ng muling paglilingkod bilang alkalde ng lungsod. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Moreno noong siya ay alkalde mula 2019 hanggang 2022, kung saan kasama niya ang kanyang running mate na si Lacuna.
Ang kanilang tandem ay nagbigay ng maraming pagbabago at inisyatibo sa lungsod na nagdala ng benepisyo sa mga Manilenyo. Ang posibleng pagbabalik ni Isko sa pulitika ay isang oportunidad para sa mas masiglang demokrasya at pagkakaisa sa Maynila.
Nawa’y magpatuloy ang magandang samahan at kooperasyon sa pagitan ng mga lider ng lungsod upang makamit ang tunay na progreso at pag-unlad.
