DALAWANG hinihinalang miyembro ng communist New People’s Army (NPA) ang napaslang sa inilunsad na military operation sa Dolores, Eastern Samar, habang ilang sandatang pandigma ang nasamsam ng Philippine Army sa hiwalay na operation sa Northern Samar.
Ayon sa military report mula Army 52nd Infantry Battalion, nakasagupa nila ang mga kasapi ng NPA sa liblib na bahagi ng Barangay Jicontol, Dolores, noong Miyerkoles na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde at pagsamsam sa dalawang high-powered firearms.
Nabatid na nagsumbong ang mga residente sa area hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde na nakatakdang magsasagawa ng kanilang extortion activities sa komunidad.
Base sa ulat, nakasagupa ng mga sundalo ang mga communist terrorist na nasa fortified positions, na suportado ng anti-personnel mines, kaya kinailangan ang air and artillery support para mapalambot ang resistance at maayudahan ang ground forces.
Ayon kay Lt. Col. Sandy Sereño, 52nd IB commanding officer, kinailangan ang supporting firepower para mabutas ang rebels’ defenses at mabawasan ang peligro sa hanay ng mga sundalo sa ground at mga sibilyan.
Sa hiwalay na pangyayari, nabawi naman ng mga tauhan ng Army 19th Infantry Battalion ang dalawang M16 Armalite rifles at anti-personnel mine na itinago ng mga rebelde sa Barangay Osmeña, Las Navas, Northern Samar.
Natunton ang mga sandatang pandigma sa impormasyong nakalap mula sa sumukong kasapi ng Eastern Visayas Regional Party Committee, ayon kay Lt. Col. Roger Gobway Jr., 19th IB commanding officer, na nagpasalamat sa pakikipagtulungan ng dating NPA.
(JESSE RUIZ)
76 