PHILHEALTH OFFICIALS DAPAT NANG SUSPENDEHIN – SOLON

KINALAMPAG ni Senador Christopher “Bong” Go ang inter-agency task force na nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte na paigtingin ang kanilang pagsisiyasat sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng pagrekomenda ng mga preventive suspension at aktibong pagsampa ng mas maraming kaso laban sa dati at kasalukuyang mga opisyal na napatunayang sangkot sa katiwalian o kapabayaan sa tungkulin.

Binanggit ni Go ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 63, na may petsang 19 Agosto 2020, na hinihimok ang Pangulo na huwag pigilan na suspendihin ang matataas na opisyales ng PhilHealth.

Nakasaad aniya sa resolusyon ng Senado, na pinagtibay kasama ng lahat ng mga senador bilang kapwa may-akda, na hinihimok ang Pangulo na magpataw ng suspensyon sa mga pangunahing opisyales ng PhilHealth na sangkot sa mga iregularidad sa ahensya.

Kabilang dito ang pagkaantala o pagtanggi na magsumite ng mga dokumento na nauugnay sa lahat ng mga pagsisiyasat na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Audit (COA).

“Sabi ko nga noon, kung hindi lang magagalit ang human rights advocates, dapat pilayan o putulin ang daliri o kamay ng mga corrupt para matigil talaga ang kalokohan,” babala ni Go.

“Karapatan ng mga Pilipino ang mabuhay nang tahimik at ‘yung pera nila ay walang masasayang o mananakaw dahil sa corruption. Ang pinaglalaban ko dito ay ang karapatan ng bawat Pilipino na dapat mabigyan ng assurance na ang pera nila ay nagagamit nang tama, nararamdaman nila sa pamamagitan ng maayos na serbisyo, at hindi nananakaw ng mga kurakot dyan,” paliwanag pa ng senador. (NOEL ABUEL)

190

Related posts

Leave a Comment