(CHRISTIAN DALE)
“PEKE, malisyoso”.
Ganito inilarawan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang viral video na nagpapakitang gumagamit ng ilegal na droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“I’m asking our chief PNP, General Marbil, together with General Baccay and, of course, General Cariaga to immediately create a task force to probe this issue. Talagang imbestigahan nila maigi ito,” ayon kay Abalos.
Ipinag-utos din nito sa PNP na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
At nang tanungin kung ano ang ginagawa ni Pangulong Marcos sa video, ang tugon ni Abalos ay: “Ito ay isang video na nilabas that allegedly may isang tao na sumisinghot siya ng allegedly, ng isang droga, no. Allegedly. So there are all allegedly.”
Sa media briefing, ipinresenta ni Abalos ang side-by-side picture ng tainga ni Pangulong Marcos at sa isang picture di umano ni Pangulong Marcos sa video.
“‘Yung nasa baba ay ‘yung larawan nu’ng allegedly ating pangulo daw. Tignan niyo ang tenga. Tignan niyo maigi ang tenga dito. Pagmasdan niyo. ‘Yung larawan ng ating Pangulo sa kaliwa, ‘yung earlobe na tinatawag. Tignan niyo ‘yung nasa kanan,” aniya pa rin.
“Bakit ko sinasabi ito, mga kasama? Dahil napakaraming kumalat sa social media na mga AI na mga peke, sari-sari naghahalo sa mga panahon ngayon. Maging mapanuri tayo. ‘Wag tayo basta-bastang maniniwala dito,” dagdag na wika nito.
Binigyang diin ng Kalihim na hindi si Pangulong Marcos ang nasa video.
“Tignan niyo ‘yung tenga and judge for yourself. Kayo na po ang sumagot. Ako alam ko ang sagot. Hindi po siya ‘yan. I’ll leave it at that,” aniya pa rin.
Samantala para kay Abalos, malisyoso ang ‘timing’ ng pagpapalabas ng video di umano ni Pangulong Marcos dahil itinaon ito sa kanyang pangatlong Ulat Sa Bayan.
Winika pa rin niya na hindi pa niya nakakausap si Pangulong Marcos sa bagay na ito.
